Palasyo sa nasibak na ambassador sa Brazil: “Just quietly vanish into the night”

Screenshot mula sa video ng Globo News
  • Pinayuhan ng Malakanyang si Mauro na mabuting ‘maglaho na lamang ito sa kalaliman ng gabi’
  • Hindi raw puwedeng magkompromiso ang gobyerno sa mga maling gawi ng opisyal
  • Mayroon din umanong physical evidence laban sa dating ambassador

Mas mabuti pang ‘maglaho na lamang sa kalaliman ng gabi’; ito ang naging payo ng Malakanyang kay dating Philippine ambassador to Brazil na si Marichu Mauro na inakusahan ng pananakit sa kaniyang kasambahay.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi maaaring magkompromiso ang gobyerno pagdating sa mga gawi ng opisyal lalo na sa ibang bansa.

Screenshot mula sa video ng ANC

“Syempre po, siya po ay mukha ng Pilipinas sa ibang bansa kaya po talagang we cannot compromise as far as conduct of highest officials are concerned lalung-lalo na iyong mga alter egos ng ating Presidente sa iba’t-ibang parte ng daigdig,” ani Roque.

Malinaw din umano sa video na lumabas ang mga ebidensiyang sapat na para matanggal sa kaniyang posisyon si Mauro.

“Kung makikita ninyo naman po iyong tape, nakita natin lahat ang mga pangyayari so, I think, Ambassador Mauro, the best option is just quietly vanish into the night,” wika pa ng tagapagsalita ng Palasyo.

Imahe mula sa PNA

Kamakailan ay naglabas ng sama ng loob si Mauro dahil hindi raw naging patas ang ginawang imbestigasyon sa insidente.

Bagama’t pinagsisihan na niya umano ang kaniyang ginawa, naniniwala ang dating envoy na napagkaisahan siya ng ilang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaya siya natanggal sa puwesto.

Subalit iginiit ni Roque, na isa ring abogado, na napakahirap sabihin na walang pananagutan si Mauro dahil mayroong physical evidence laban sa kaniya.

Screenshot mula sa GMA video

“Huwag na po nating ungkatin iyan ‘no dahil malinaw na malinaw po ang mga nakita natin sa pamamagitan po ng teknolohiya,” ayon kay Roque.

Noong isang linggo ay inaprubahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsibak kay Mauro. Kabilang sa parusang kakaharapin ng dating ambassador ay cancellation of eligibility, forfeiture of retirement benefits, perpetual disqualification from holding public office at pagbabawal sa pagkuha ng anumang civil service examination.

Loading…