Palasyo tiniyak na magbibigay ng ayuda ang gobyerno ngayong ECQ

Imahe mula sa PCOO
  • Tiniyak ng Malakanyang na mamimigay ng ayuda ngayong ECQ
  • Subalit wala pang malinaw na detalye kung magkano at paano ang pamamahagi nito
  • Sinabi ni Roque noong Sabado na baka nitong Lunes nila ianunsiyo ang kabuuang detalye

Tiniyak ng Malakanyang na mamamahagi ng pinansiyal na tulong sa mga tao ang pamahalaan ngayong isinailalim na sa enhanced community quarantine (ECQ) ang buong Metro Manila at ibang karatig-lalawigan sa loob ng isang linggo.

Nitong Sabado inanunsiyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque na mamimigay ng ayuda ang gobyerno dahil karamihan umano ay baka halos hindi makapagtrabaho ngayong ECQ.

“Dahil naiintindihan ni Presidente na habang tayo ay naka-ECQ eh walang pupuwedeng magtrabaho, magkakaroon tayo ng tulong na ipamimigay sa ating mga kababayan,” ani Roque sa kaniyang press briefing kasabay ng pagdedeklara ng mas mahigpit na lockdown sa NCR Plus.

Ganun pa man, hindi pa malinaw ang buong detalye kung magkano at paano ipamamahagi ng gobyerno ang naturang tulong.

“Isinasapinal na po ang pagbibigay ng assistance,” dagdag pa ng kalihim.

Naiintindihan naman daw ng gobyerno na kapag ECQ ay hindi lamang mga 4Ps beneficiaries ang nahihirapan kaya maaaring ianunsiyo ngayong Lunes ang  detalye ng ayuda. Subalit baka raw mas mababa ito kesa sa dating ipinamigay noong nakaraang taon.

“Siguro po ang halaga ay mas maliit sa inaasahan pero ang makakatanggap ay mas marami po,” ayon sa tagapagsalita ng Malakanyang.

Imahe mula sa AL Jazeera

Bago idineklara ang ECQ, isinalalim muna ang rehiyon sa GCQ bubble. Tumanggi rin ang Malakanyang na kumpirmahin kung ito ba ay isang uri ng lockdown lalo pa’t ipinatupad ang mas maigting na curfew.

Pinuna naman ito ng ilan na nagsabing maaaring ayaw tawaging lockdown ng gobyerno ang sitwasyon dahil wala nang perang maipamimigay bilang ayuda.

Giit naman ni Roque noong isang linggo, wala talaga sa plano ng gobyerno ang mamahagi ng pinansiyal na tulong dahil karamihan naman daw ay makapagtatrabaho kahit pa ‘work from home’ lamang.

Loading…