Palasyo wala pang balak magpatupad ng mas mahigpit na lockdown

  • Wala pang balak ang gobyerno na ibalik sa MECQ o ECQ ang bansa
  • Ito ay sa kabila ng patuloy na paglobo ng bilang ng nahawahan ng COVID
  • Ayon kay Roque, hindi na kakayanin ng ekonomiya ang mas mahigpit na lockdown

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng bilang kaso ng COVID-19 sa bansa, wala pa umanong dahilan para magpatupad ang pamahalaan ng mas mahigit na quarantine status tulad ng enhanced community quarantine (ECQ) o modified enhanced community quarantine (MECQ).

Ganito ang paninidigan ng Malakanyang sa harap ng babala ng research group OCTA na posibleng tumaas pa ang bilang ng mahahawahan ng COVID hanggang sa 6,000 kada araw sa katapusan ng Marso.

“For the month of March, I don’t think it is called for,” giit ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa kaniyang press briefing nitong Lunes.

Paliwanag pa ni Roque, mayroon pa ring 60% hanggang 75% available beds sa mga intensive care units (ICUs), isolation facilities at hospital wards para sa mag pasyenteng may COVID, habang nasa 77% pa ang hindi nagagamit na mga ventilators hanggang nitong Linggo, Marso 7.

“Handa po tayong gamutin ang mga magkakasakit. Meron pong available na beds, at inatasan na po natin ang mga local government units na paigtingin ang compliance sa minimum public health standards, contact tracing, testing, at may kapangyarihan po sila na magpatupad ng localized lockdown,” wika ng kalihim.

Pasay City lockdown| Imahe mula sa ABS-CBN News

Kailangan lang umanong paigtingan pa ng mga local government units (LGUs) ang granular lockdowns sa mga lugar na mayroong biglang paglobo ng mga kaso.

Hindi na raw kasi kakayanin pa ng ekonomiya ng bansa kung sakaling magpatupad muli ng MECQ o ECQ kung kailan lahat ng negosyo at industriya ay sarado maliban na lamang sa mga essential goods tulad ng pagkain at gamot.

“Dahil sa totoo lang po, hindi na po natin kaya na mag-lockdown ng ating ekonomiya. Napakadami na pong nagugutom,” ani Roque.

Screenshot mula sa DOH

Nitong Linggo, nakapagtala muli ang Department of Health (DOH) ng mahigit 3,000 bagong kaso ng COVID. Ito na ang pangatlong magkakasunod na araw kung kailan lumampas sa tatlong libo ang kasong naiulat ng ahensiya.

Pumalo na rin sa 594,412 ang kabuuang bilang ng COVID sa bansa; 36,043 rito ay nananatiling active cases.

Loading…