Panukalang maglaan ng Sinovac vaccine para sa 50 ‘influencers’ ‘di inaprubahan

Screenshot mula sa You Tube
  • Hindi pinayagan ng iNITAG ang panukalang maglaan ng bakuna para sa mg 50 ‘influencers
  • Kabilang na si Roque, ang mga ‘influencers’ ay opisyal ng gobyerno at ilang sikat na personalidad
  • Dapat raw kasing ilaan muna ang mga bakuna sa mga health workers at medical frontliners

Inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi inaprubahan ng advisory group ang panukala na maglaan ang gobyerno ng bakuna para sa mga ‘influencers’ upang mahikayat ang mga mamamayan na nagdadalawang isip dahil sa takot.

Kabilang sa mga tinaguriang ‘influencers’ ay ilang opisyal ng gobyerno at maging media at entertainment personalities na posibleng makaimpluwensiya sa publiko.

Imahe mula sa Inquirer

Ayon kay Roque, hindi pumayag ang interim National Immunization Technical Advisory Group (iNITAG) sa suhestiyong ito dahil kailangang unahing mabakunahan ang mga health workers at medical frontliners.

“Tatapatin ko po kayo, kami po sa IATF ay nag-propose na 50 na mga bakuna, ireserba para sa tinatawag nating influencers nang mapaigting natin ang ating vaccine confidence. Hindi po sumang-ayon ang iNITAG,” bahagi ni Roque sa kaniyang press briefing nitong Martes.

Bagama’t hindi na binanggit ng kalihim kung sinu-sino ang mga influencers na ito, kabilang umano siya sa grupo pati na ang ilang opisyal, pulitiko at showbiz personalities.

“Marami, kasama ako doon. Mga taong gobyerno, kasama na rin dyan ang Presidente, syempre nandyan ang mga kalihim, may ilang kongresista, senador, merong media personalities pati nga movie personalities meron sana kaya lang hindi po na-approve,” wika pa ni Roque.

PGH head Dr. Legaspi| Imahe mula sa PNA

Ang binigyang-diin umano ng iNITAG ay kung ano ang mayroon, dapat ay ipamahagi na muna sa mga frontliners.

Ganunpaman, ang pinayagan lang daw ng advisory group ay sina vaccine czar Carlito Galvez Jr., National Task Force against Covid-19 deputy implementer Vince Dizon, at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos.

Sina Galvez, Dizon at Abalaos ay pawang nabakunahan na ng Sinovac nitong Lunes kasabay nina Philippine General Hospital (PGH) head Gerardo Legaspi, Dr. Edsel Salvana, DOH Technical Advisory Group at Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo.

Si Dr. Legaspi ang kauna-unahang Pilipino na naturukan ng Sinovac vaccine sa inilunsad na vaccination program ng pamahalaan niton Marso 1.

Loading…