Para magtino, mga ‘lutang’ at nakainom na driver papatawan ng mabigat na parusa

Imahe mula sa Pixabay
  • Pasado na sa 2nd reading sa Kamara ang panukalang patawan ng mas mabigat na parusa ang mga motorista na mahuhuling nagmamaneho habang lasing o ‘high’
  • Naniniwala ang mga mambabatas na titino ang mga driver kapag alam ng mga ito na mabigat ang kaparusahang naghihintay sa kanila
  • Layunin ng panukalang batas na gawing ligtas ang mga lansangan mula sa mga pasaway na tsuper

Pasado na sa ikalawang pagbasa sa House of Representatives ang panukalang patawan ng mabigat na kaparusahan ang mga motoristang maaaktuhang nagmamaneno habang ‘high’ o labis na nakainom.

Imahe mula sa Spada Law Group

Naniniwala ang mga kongresista na titino ang mga driver na nagmamaneho nang nakainom o ‘high’ kapag alam ng mga ito na mabigat na parusa ang naghihintay para sa kanila.

Layunin ng panukalang batas na gawing ligtas ang mga lansangan mula sa mga pasaway na tsuper.

Aamyendahan ng House Bill No. 8914 na akda nina Deputy Speaker Michael Odylon Romero; Rep. Enrico Pineda ng 1PACMAN Partylist at Raneo Abu ng Nacionalista Party-Batangas) ang Republic Act 10586 o and Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013 sa pamamagitan ng pagpapapataw ng mas mabigat na parusa.

“This House bill seeks to rationalize and broaden the implementation of all anti-drug and drugged driving measures to further foster our law enforcement guidelines and policies,” wika ni Representative Romero

Sa ilalim ng panukala, ang mga motoristang nagmamaneho ng sasakyan habang lasing at ‘high’ ay papatawan ng multang P100,000 at anim na buwang pagkakakulong. Mas malaki ito kumpara sa kasalukuyang tatlong buwang kulong at P20,000 hanggang P80,000  na multa.

Imahe mula sa Valenzuela City

Kapag may nasaktan dahil sa pagmamaneho nang nakainom o lango sa droga ay anim hanggang isang taon ang kulong at multang mula P150,000 hanggang P200,000, depende sa pinsalang natamo.

Kapag may nasawi, ang parusa ay isa hanggang dalawampung taong kulong at multang P350,000 hanggang P500,000.

Kapag non-professional ang lisensya ng violator, sususpendihin ang lisensya  nang hanggang 18 months. Kung uulit ay kakanselahin na iyon. Kung professional driver’s license ang gamit, agad iyong kakanselahin.

Nakasaad din sa panukala na kailangang bumili ng breath analyzer ang Land Transportation Office para makatulong sa pag-alam kung lango o hindi ang driver.

Imahe mula sa MMDA

Loading…