Pasay City nasa ‘critical risk’ na dahil sa patuloy na pagtaas ng COVID – DOH

Imahe mula sa Facebook - CCPComplex Pcp Pasay Cps
  • Nasa ‘critical risk’ na sa COVID-19 ang Pasay City dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso
  • Pumalo na sa mahigit 300 percent ang growth rate ng COVID sa lungsod
  • Sa kabila nito, nananatili namang nasa ‘safe zone’ ang health care utilization ng Pasay

Patuloy pa rin sa pagtaas ang bilang ng mga nahawahan ng COVID-19 sa Pasay City nitong mga nagdaang araw kaya itinuturing na itong nasa ‘critical risk’, ayon sa Department of Health (DOH).

Sa ginanap na press briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Dr. Alethea de Guzman ng DOH Epidemiology Bureau na pumalo na sa 386 percent ang growth rate ng COVID sa lungsod nitong nagdaang dalawang linggo, habang nasa 24.7 percent naman ang average daily attack rate sa kada 100,000 populasyon.

Pasay City lockdown| Imahe mula sa ABS-CBN News

“‘Yung mga mutations, ‘yung increased transmissibility, nakikita natin sa Pasay na nakakaranas talaga sila ng mabilis na pagtaas ng kaso,” ani Dr. De Guzman.

Gayun pa man, nananatiling nasa ‘safe zone’ ang healthcare utilization ng Pasay City sa 46% kahit pa mabilis ang pagtaas ng bilang ng kaso doon.

Sa kasalukuyan, mahigit 90 porsiyento na ng barangay sa lungsod ang apektado.

“Sa Pasay City po nakikita natin na 91 percent of the barangays are now affected, but what’s really good about Pasay is they have instituted a lot of actions already,” bahagi ng opisyal.

Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano| Imahe mula sa Pasay City LGU

Nasa 5,000 doses naman ng Sinovac vaccine ang mapupunta sa Pasay City General Hospital maliban pa sa 300 doses na una nang nakalaan para sa humigit-kumulang na 100 health workers doon.

Nauna nang sinabi ng DOH na tatlong local cases ng South African variant (B.1.351 variant) ay pawang residente ng lungsod; isang 40-anyos na lalaki na gumaling na; isang 61-anyos na babae at isang 39-anyos na lalaki na nananatiling active cases at nasa ilalim ng pangangalaga ng lokal na pamahalaan.

Bagama’t may nakita silang kaugnayan sa pagitan ng dalawa sa kasong ito, inaalam pa ng DOH kung nagkaroon na nga ng local transmission ng nabanggit na variant sa Pasay City.

Loading…