PDP-Laban resolution pinatatakbong VP si Pang. Duterte sa 2022; resolusyon ‘di awtorisado, ayon kay Pacquiao

Imahe mula sa Mercurey News
  • Mga miyembro ng PDP-Laban  nagpapaikot ng resolusyon na humihikayat kay Pang. Duterte na tumakbong VP sa halalan 2022
  • Isiniwalat ito ni House Deputy Speaker Eric Martinez noong Huwebes, March 11
  • Itinanggi naman ni PDP-Laban acting president Senator Pacquiao na awtorisado niya ang naturang resolusyon

Umiikot sa hanay ng mga PDP-Laban members ang isang resolusyon na humihikayat kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong vice president (VP) sa 2022.

Screenshot mula sa RTVM video

Isiniwalat ito ni House Deputy Speaker Eric Martinez noong Huwebes, March 11. Aniya, lumilibot ng bansa si Energy Secretary Alfonso Cusi, ang vice-chairman ng ruling political party,  upang konsultahin ang mga party members hinggil sa resolusyon.

“Starting nga dito sa Metro Manila, noong Monday, pinatawag ‘yung mga PDP partymates ng Pangulo noong Monday and some malalapit dito na lugar. I think may Laguna pa ako na nakita doon and Bulacan,” sinabi umano ni Rep. Martinez sa isang panayam.

Bahagi rin ng resolusyon ang statement of support para sa huling taon ng termino ni  Pang. Duterte at sa pakikibaka ng bansa kontra sa pandemya.

“May nag-float lang ng idea. Since the President is the chairman of the PDP party, has the highest approval rating—never before seen in the history of our country—someone floated the idea, why not i-start muna with convincing the President to run for Vice President,” pahayag  pa ni Rep. Martinez.

Samantala, nilinaw naman ni Senator Manny Pacquiao, ang acting president ng PDP-Laban, na hindi awtorisado at walang basbas ng pamunuan ng partido ang naturang resolusyon.

Imahe mula sa Senate of the Philippines

“Hindi ko alam ‘yun. Hindi ‘yun sanctioned bilang acting president ng partido. Hindi po ‘yun authorized dahil ang focus po talaga ng partido ngayon e paano ba tayo makatulong sa mga tao na nagugutom ngayon,” paglilinaw ni Sen. Pacquiao.

Sinabi pa ni ng senador na hindi pa pinag-uusapan ng partido ang tungkol sa darating na halalan dahil grabe pa ang kinakaharap na problema ng bansa.

May mensahe ang senador kay Energy Secretary Cusi tungkol sa ginagawa nitong paglibot sa bansa upang isulong ang resolusyon.

Imahe mula sa DOE

“Since na-mention mo ‘yung pangalan ni Cusi,  isa lang masasabi ko, ‘yung salita mo  paninindigan mo. Huwag mong kainin ‘yung  salita mo na sabi mo huwag munang pulitika. Huwag mong dini-divide ‘yung isipan ng   mga miyembro ng partido para gamitin mo sa sariling interest  unless kung umikot ka para magbigay ng tulong sa mga kababayan, palakpakan kita, matutuwa ako,” anang senador.

Nilinaw niya na hindi siya nakikipag-away kay Sec. Cusi.

 

Loading…