Perang napulot ng construction worker sa ginigibang gusali sa Quezon, isinauli sa mayor

Imahe mula sa Facebook - GO Quezon
  • Nakapulot ng pera ang isang construction worker sa Quezon
  • Nasa loob ito ng cabinet ng gusaling ginigiba nila
  • Isinauli naman niya ito sa alkalde ng bayan ng Guinayangan

Pinuri ng isang alkalde sa probinsiya ng Quezon ang isang trabahador na nagsauli ng perang natagpuan ng huli sa pinagtatrabahuang construction site kamakailan.

Nakilala ang construction worker na si Alberto Lascano na siyang nakapulot ng perang nagkakahalaga ng P14,000 sa isang ginigibang gusali.

Humanga naman sa kaniyang katapatan si Mayor Cesar Isaac III, alkalde ng bayan ng Guinayangan. Sa opisyal mismo kasi ibinigay ni Lascano ang napulot na pera.

Imahe mula sa Facebook – GO Quezon

“Kahanga-hanga ang katapatang ipinakita ng construction worker na si Alberto Lascano kung saan ibinalik niya ang napulot niyang pera kay Guinayangan Mayor Cesar Isaac III,” ayon sa post ng Facebook page na GO Quezon nitong Huwebes. Marso 18.

Ang napulot na pera ay nakalagay pa sa isang punit-punit na puting envelope.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, nakita ni Lascano ang pera sa loob ng isang cabinet ng gusaling ginigiba nila.

“Ang pera ay nagkakahalaga ng 14,500 piso at minabuti aniyang sa alkalde na lamang iabot ang nasabing halaga dahil napulot niya ito sa ginigibang gusali ng allied forces,” ayon pa sa Facebook post.

Imahe mula sa Facebook – GO Quezon

Kuwento naman ni Mayor Isaac, ibinigay sa kaniya ni Lascano ang pera para siya na mismo ang magsauli sa may-ari nito.

“Sabi ko nga du’n sa construction company, pambihira ‘yang inyong isang construction worker na ‘yan, talagang ako ay nagpapasalamat sabi ko eh, mayroon pa palang Guinayangin na may maaayos na puso para ibigay ang mga ganyang bagay sa mga tunay na nagmamay-ari,” wika ng alkalde.

Naibalik naman daw agad sa may-ari, na isang empleyado, ang pera na matagal na palang hinahanap.

Nakatanggap naman ng pabuya si Lascano mula sa empleyado.

Loading…