PhilHealth muling iginiit na ‘hindi nawala’ ang P15-B: “Huwag maniwala sa sabi-sabi”

Imahe mula sa Philhealth
  • Muling iginiit ng PhilHealth na hindi nawala ng sinasabing ‘ninakaw’ na P15-B na pondo
  • Ginamit umano ito sa COVID response ng gobyerno ngayong panahon ng pandemya
  • Halos nasa 95% liquidated na rin daw ito, ayon sa PhilHealth

Muli na namang iginiit ng PhilHealth na hindi nawawala ang P15-B na pondo ng ahensiya na una nang ibinulgar noong isang taon ni dating anti-fraud legal officer Atty. Thorsson Montes Keith na ibinulsa umano ng ilang matataas na opisyal.

Nitong Lunes, naglabas pa ng infographic ang PhilHealth sa kanilang Facebook page upang ibahagi ang detalye kung talagang saan napunta ang nasabing pera.

Imahe mula sa Facebook-Philhealth

“Napunta ito sa 711 ospital sa bansa bilang ayuda sa pandemya at para mapanatili silang bukas para sa mga pasyenteng nangangailangan ng gamutan,” paliwanag ng PhilHealth.

Tulad ng mga naunang pahayag ng state insurer, properly accounted raw ang diumano’y ‘nawawalang pondo’ at sa katunayan ay liquidated na ang nasa 95% ng pera.

“Properly accounted po ito.  Sa katunayan ay P14.21 bilyon o 95% na ang na-liquidate o naisulit na ng mga ospital, katunayang pinakinabangan ito ng mga pasyente at hindi naibulsa ng sinoman,” ayon sa infographic.

Sa ginanap na hearing sa Kamara noong nakaraang buwan, ganito rin ang naging pahayag ni PhilHealth president Dante Gierran. Si Gierran ang pumalit kay Ricardo Morales na napilitang magbitiw sa puwesto sa gitna na kontrobersiya noong nakaraang taon.

Philhealth chief Dante Gierran/ Imahe mula sa PNA

“Ang gusto kong malaman ng buong bayan, with respect doon sa IRM (Interim Reinbursement Mechanism), walang nawalang pera. Nasa mga hospitals po ito. Accounted yan. Other cases, I do not know. Spare me,” giit ni Gierran.

Subalit sa kabila ng inilabas na infographic at paliwanag ng PhilHealth, maraming netizens pa rin ang hindi naniniwalang ‘liquidated’ na ang pondo at hindi ito ‘ninakaw’.

Ayon sa ilang commenters, madali lang sabihin na liquidated na ito subalit wala namang maipakitang maayos na accounting ang ahensiya.

Kaduda-duda rin umano na ngayon lang naglabas ng detalyadong paliwanag ang PhilHealth samantalang matagal nang hinahanap ang pondo kahit noon pa mang wala pang pandemya sa bansa.

Loading…