Piloto at male flight attendant ng Chinese airlines nagpambuno sa eroplanong nasa ere pa

Imahe mula sa Donghai Airlines
  • Viral sa Chinese social media ang pagbubuno ng piloto at flight attendant habang nasa ere pa ang eroplano
  • Nag-ugat ang insidente dahil sa pasaherong gustong gumamit ng bathroom habang ginagamit pa iyon ng piloto
  • Ipinaliwanag ng isang beteranong piloto na hindi talaga pinapayagan ang mga pasahero na lumapit sa bathroom kapag ginagamit iyon ng piloto 

Sinuspinde ng Donghai Airlines ng China ang piloto at male flight attendant ng isang domestic flight nito matapos magpambuno ang dalawa sa loob ng eroplano habang ito ay nasa ere pa.

Imahe mula sa Donghai Airlines

Kasalukuyang iniimbestigahan ng Civil Aviation Administration of China ang insidente. Tiniyak nito na matindi ang magiging kaparusahan kung mapatutunayang nalagay sa alanganin ang kaligtasan ng flight DZ6297 mula sa Nantong patungong Xian.

Kumalat sa Chinese social media ang pangyayari matapos i-upload ng isang WeChat user ang larawan ng piloto at flight attendant na nagpang-abot.  Ang ugat ng insidente ay ang isang pasahero na gustong gumamit ng bathroom sa first-class section ng eroplano, 50 minuto bago lumapag ang flight sa airport noong February 20,2021.

Bago maganap ang insidente ay lumabas ng cockpit ang piloto upang gumamit ng bathroom, pero may isang pasahero na gusto  ring gumamit nito. Sinabihan ng piloto ang pasahero na maghintay ito sa kanyang upuan.

Nang lumabas ang piloto ay naroroon pa rin ang pasahero na naghihintay sa labas ng bathroom. Dahil doon ay pinagalitan ng piloto ang flight attendant at sinabihan ito na hindi ginagawa nang tama ang kanyang tungkulin.

Imahe mula sa WeChat

Noong una ay nagsasagutan lang ang dalawa. Subalit kalaunan ay nauwi na iyon sa pisikalan. Dahil sa pangyayari ay napilayan ng braso ang flight attendant samantalang nalagasan naman ng isang ngipin ang piloto.

Paliwanag ng isang beteranong piloto na si Chen Jianguo, hindi talaga pinapayagan ang mga pasahero na lumapit sa  bathroom kapag ginagamit iyon ng piloto upang maiwasan ang posibilidad na daluhungin ang piloto na magreresulta para manganib ang kaligtasan ng flight.

Loading…