PNP gagamit na ng body camera simula sa Abril

Screenshot mula sa UNTV video
  • Simula sa Abril ay gagamit ng ng body cam ang mga operatiba ng PNP
  • Kasalukuyan nang nagte-training ang PNP para sa tamang paggamit ng mga body cam sa kanilang operasyon
  • Ang ilang body cam ay may SIM card para sa livestreaming function nito
  • Hanggang walong oras na footage ang kayang i-record ng mga body cam

Sa darating na buwan ng Abril ay sisimulan na ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang paggamit ng body camera (body cam) sa kanilang mga operasyon upang maalis ang mga agam-agaw sa isipan ng publiko kapag ang operasyon ay nag-iiwan ng casualties.

Imahe mula sa PNA

Ibinahagi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang mga body cams ay nakahanda na at ang mga PNP operatives ay sumasailalim na sa pagsasanay kung paano gamitin ang mga iyon sa kanilang operasyon.

“Naririyan na po ang mga body cams, nagti-training na po tayo at inaasahan po natin magagamit na po ang mga body cams na ‘yan sa buwan ng Abril nang maiwasan na po iyong pagdududa ng taumbayan kung ano talaga ang mga pangyayari ‘pag mayroon pong nap*tay,” pahayag ni Sec. Roque sa isang press briefing.

Aniya, ang mga body cam ay pisikal na ebidensya na hindi magsisinungaling.

“Kasi ‘yang body cam po ay physical evidence at hindi po magsisinungaling ang physical evidence,” wika ni Sec. Roque.

Ang pahayag ng tagapagsalita ng Pangulo ay sa gitna ng  isinasagawang imbestigasyon ng Department of Justice sa simultaneous operations ng PNP sa CALABARZON region kung saan siyam  na indibidwal ang casualties.

Noong 2019 ay bumili ang PNP ng 2,696 waterproof body cameras para siguruhin ang transparency at accountability sa kanilang mga operasyon.

Screenshot mula sa UNTV video

Ang iba sa mga body cams ay may SIM card para sa livestreaming function nito. Hanggang walong oras na footage ang kaya nitong ma-i-record.

Loading…