Quiapo vicar sa pagbabawal sa religious gatherings: “Simbahan mas ligtas kesa sa mga malls”

Imahe mula sa PNA
  • Nakiusap si Father Badong ng Simbahan ng Quiapo hinggil sa patakaran ng IATF
  • Mas ligtas naman daw ang mga simbahan kumpara sa mga malls
  • Nauna nang sinabi ng Manila archdiocese na magbubukas sila sa limitadong kapasidad ngayong Holy Week

Iginiit ni Father Douglas Badong ng Quiapo church na mas ligtas pa rin ang mga simbahan kumpara sa mga malls at iba pang pasyalan ngayong ipinatutupad ang mas mahigpit na restrictions dahil sa paglobo ng kaso ng COVID sa Metro Manila at karatig-probinsiya.

Kasunod ito ng pagtutol ng Malakanyang sa desisyon ng Manila archdiocese na buksan ang kanilang simbahan sa mga mananampalataya, kahit limitado muna sa 10% ng kapasidad, ngayong Semana Santa.

Fr. Douglas Badong| Imahe mula sa Twitter

“Mas ligtas sa simbahan kaysa pumunta at payagan natin sa mall. Napatunayan naman po natin ‘yan nung Simbang Gabi, Pista ng Nazareno,” ani Fr. Badong sa panayam ng Teleradyo.

“Napatunayan naman nating kayang sumunod ng mga tao kasi ibang aspeto ‘yung ispiritwal na ginagawa natin at tinitiyak din ng pamunuan ng bawat simbahan ‘yung kaligtasan ng lahat. Hindi lang kaluluwa kundi pisikal na hindi sila magkasakit,” dagdag pa ng pari.

Hiniling rin ni Badong sa gobyerno at sa IATF na repasuhin nito ang patakaran tungkol sa pagbabawal sa religious gatherings dahil kaya namang sumunod ng mga tao lalo na pagdating sa aspeto ng relihiyon.

Quiapo Church| Imahe mula sa ABS-CBN News

“Sana po mas makita nila ang kahalagahan din po nito. Ang nais namin makatulong, ma-uplift po ang morale ng mga tao. ‘Yun ang nais namin ipabatid, gusto naming makipagtulungan,” wika pa ni Fr. Badong.

Nitong Lunes ay naglabas din ng pastoral instruction ang Manila archdiocese para sa Holy Week kung saan nasasaad dito na bagama’t walang aktibidad tulad ng senakulo, pabasa, processions, motorcades, at visita iglesia sa loob ng simbahan, magsasagawa pa rin umano sila ng religious worship sa loob pero oobserbahan ang 10% maximum venue capacity simula sa Marso 24.

Bishop Pabillo| Imahe mula sa PNA

Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, hinihikayat nila ang lahat ng mga mananampalataya na gustong dumalo subalit limitado pa rin at ipatutupad ang mga nakagawiang health protocol.

Nanawagan naman si Presidential Secretary Harry Roque kay Bishop Pabillo na huwag manghikayat ng tao para lumabag sa panuntunan ng IATF.

Kapag nangyari umano ito, ayon kay Roque, walang magagawa ang gobyerno kung hindi ipasara ang mga simbahan kahit pa ngayong Semana Santa.

Loading…