Ramon Ang walang balak tumakbo sa pagka-pangulo sa 2022: “It’s a demotion”

Imahe mula sa BizNewsAsia
  • Walang planong tumakbo sa pagka-presidente si SMC chief Ramon S. Ang
  • Isa umano itong ‘demotion’ para kay Ang, ayon kay SP Sotto
  • Samantala, marami rin umanong kumukumbinsi kina Sotto at Lacson para tumakbo sa 2022

Walang planong tumakbo bilang presidente si San Miguel Corp. president at chief operations officer (COO) Ramon S. Ang, ayon sa ibinahagi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III nitong Lunes.

Ayon kay Sotto, tinanggihan ni Ang ang alok ng Nationalist People’s Coalition (NPC) para maging standard bearer ng partido. Si Sotto ay kasapi rin sa partidong itinatag noon ng namayapang SMC boss na si Danding Cojuangco.

Imahe mula sa Wheels.ph

“Sabi niya sakin, ‘It’s a demotion. Pabiro niyang sinagot ‘yun pero kita ko naman na hindi siya interesado,” kuwento ni Sotto sa panayam ng mga mamamahayag nitong Lunes.

“Palagay ko it’s final na… sarado na ang usapan na ‘yun,” dagdag pa ng senador.

Samantala, naibahagi rin ng mambabatas na mayroong mga kumukumbinsi sa kasamahan at kaibigan niyang si Senador Panfilo Lacson subalit hindi pa umano ito nakapagdedesisyon.

Maging sa kaniya mismo ay may mga kumukumbinsi rin umano subalit nakikiramdam pa raw siya, ayon kay Sotto.

“Ayoko muna pag-usapan ‘yun kasi nga politika… Mahirap ang pandemic e. Trabaho muna,” wika pa nito.

Imahe mula sa Ping Lacson.net

Sina Ang, Sotto at Lacson ay kabilang sa 16 na personalidad na lumutang bilang posibleng kandidato sa pagka-pangulo sa susunod na halalan mula sa BluePrint.PH, isang research firm na pinag-aaralan ang sentimyento ng mga tao sa social media

Kabilang rin dito sina Senador Bong Go, Manny Pacquiao, Risa Hontiveros, Grace Poe, Pia Cayetano, at mga dating senador na sina Bongbong Marcos at Manny Villar.

Nasa nasabing listahan din sina Vice President Leni Robredo, dating House Speaker Alan Peter Cayetano, Leyte 4th District Rep. Lucy Torres- Gomez, Davao Mayor Sara Duterte, Cavite Governor Jonvic Remulla, Manila Mayor Isko Moreno, at human rights lawyer Chel Diokno.

Source :

ABS-CBN News, PNA

Loading…