Roque bumuwelta sa mga bashers ng ‘birthday bash’ ng Pangulo: ‘Utak talangka lang’

Imahe mula sa Facebook - Sen. Bong Go
  • Dinepensahan ni Roque ang mga puna sa naganap na kaarawan ni Pangulong Duterte
  • Nag-viral kasi ang larawan at video ng Pangulo na kinuwestiyon ng ilang netizens
  • Ayon kay Roque, walang intensiyon si PRRD na ‘magkunwaring mahirap’

Ipinagtanggol ng Malakanyang ang selebrasyon ng ika-76 na kaarawan ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos mag-viral sa social media ang mga larawan na kinuwestiyon ng ilang netizens.

May mga pumuna kasi sa social media matapos ibahagi ni Senador Bong Go sa Facebook ang larawan ni Duterte na kung saan makikita ang mistulang napakasimple lamang na handa – pansit at kanin na may kandila.

Imahe mula sa Facebook – Sen. Bong Go

Subalit sa video na lumabas, at kinalaunan ay tinanggal na rin, makikita ang isang lechon sa hapag at iba pang putaheng nakalatag sa mesa.

Mayroon din namang nagtanggol sa presidente at nagsabing wala namang masama kung maghanda ng lechon ang Pangulo dahil normal naman ito sa mga birthday celebration kahit ng ordinaryong mamamayan.

Ayon naman sa mga pumuna, bakit raw kasi kailangan pang palabasin na ‘magmukhang mahirap’ at  ‘walang handa’ ang Pangulo sa kaniyang kaarawan na ginanap sa Davao City noong Linggo, Marso 28, gayung meron naman pala.

Utak-talangka lang

Depensa naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, ‘utak-talangka’ lang ang mga pumupuna sa larawan ni Duterte.

“Tingin ko naman utak talangka lang po ‘yan. Birthday naman po ng Presidente, 76th, ang importante hindi po magarbo ang selebrasyon” ani Roque sa panayam ng GMA News.

Imahe mula sa GMA News

Muli itong iginiit ni Roque sa isa pang panayam ng ANC Headstart. Aniya, hindi intensiyon ng presidente na magkunwaring mahirap dahil kilala na ito sa pagiging simple kaya nga wala masyadong bisita noong Linggo.

Maaaring may mga naihain ngang pagkain doon subalit wala umano itong nalabag na ‘sense of decency’. Sa katunayan nga raw, naka-shorts at T-shirt lamang si Pangulong Duterte sa larawan.

“It’s really crab mentality for anyone to suggest that the President was pretending. No, the President never pretends, he is known for his authenticity. He has simple celebrations and I think that’s what happened on his birthday,” dagdag pa ni Roque.

Loading…