Roque inaming hindi nasunod ang ‘priority list’ sa unang linggo ng vaccine rollout

Screenshot mula sa You Tube
  • Inamin ni Sec. Roque na ‘di nasunod ang prirority list sa unang bugso ng vaccination
  • Ilang opisyal kasi na hindi kabilang sa listahan ang nabakunahan ng Sinovac
  • Natuto naman daw sila sa pagkakamaling ito, ayon kay Roque

Inamin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi nasunod ang tinatawag na ‘priority list’ ng gobyerno para sa mga nakatakdang bakunahan sa unang linggo ng vaccine rollout.

Ito ay matapos mabakunahan sa Pasay General Hospital ang ilang opisyal ng pamahalaan na hindi naman talaga kasali sa priority list na inilabas kamakailan na dapat sana ay mga health workers at uniformed personnel muna, ayon sa inaprubahan ng advisory group.

Imahe mula sa Inquirer

Ang mga tinutukoy na opisyal ay sina Interior Secretary Jonathan Malaya at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) public services head Michael Salalima, at maging si Quezon Representative Dr. Angelina Tan, chairperson ng health committee sa Kamara.

Ayon kay Roque, may mabuti namang layunin ang mga nabanggit na opisyal dahil nais nilang magbigay ng kumpiyansa sa mga mamamayan, bukod sa mga staff rin daw mismo ng ospital ang nag-alok sa kanilang magpabakuna.

“Now the two (Malaya at Salalima), in good faith, thought that they were doing the nation a service by having themselves vaccinated kasi nga, mataas pa iyong tinatawag nating distrust sa bakuna,” paliwanag ni Roque.

“Upon being prodded and being offered, and guided by their desire to increase public confidence in the vaccine, nagpabakuna po sila,” ayon pa sa tagapagsalita ng Palasyo.

Hindi rin daw alam ni Malaya na ‘di inaprubahan ng advisory group ang pagbakuna sa tinatawag na ‘influencers’ dahil hindi maayos na naipamahagi ang guidelines tungkol dito.

Imahe mula sa PNA

Maging siya raw mismo ay munitk na ring mabakunahan ng Sinovac sa Philippine General Hospital (PGH) kaya lang ay ‘di siya umabot sa cut-off nang araw na iyon. Sa ngayon, ayon pa kay Roque, ay alam na ng marami ang protocol kaya inaasahang masusunod na ito.

“Pero ngayon tingin ko malinaw na ‘yan. Okay, hindi po tayo perfect sa pagpapatupad nitong protocol. Nagkaroon tayo ng kakaunting breaches. Pero we have learned from the breaches,” paliwanag pa ng kalihim.

Magugunitang ipinagbawal muna ng iNITAG (interim National Immunization Techinical Advisory Group) ang pagbakuna sa mga influencers dahil sa kakulangan ng supply. Ang pinayagan lamang nila ay sina vaccine czar Carlito Galvez, Jr., testing czar Vince Dizon, at Metro Manila Development Authority MMDA) chair Benhur Abalos.

Loading…