Roque isang ‘ultimate example of pasaway’, ayon kay Zarate

Imahe mula sa Facebook
  • Tinawag ni Rep. Zarate na isang ‘pasaway’ si Sec. Roque
  • Kung saan-saan daw kasi ito namamasyal sa kasagsagan ng pandemya
  • Tinawag ding ‘epitome of impunity’ ni Zarate si PNP chief Sinas

Tinawag ng isang kongresista na isang halimbawa ng ‘pasaway’ na opisyal si Presidential Spokesperson Harry Roque matapos magpositibo sa COVID-19 ang tagapagasalita ng Palasyo.

Ayon kay Bayan Muna party-list Representative Carlos Isagani Zarate, kung saan-saan kasi namamasyal si Roque kahit na nasa kasagsagan ng pandemya ang bansa na mistula bang hinahamon ang virus.

Rep. Zarate| Imahe mula Facebook

“Sec. Roque is the ultimate example of ‘pasaway’ for visiting different places in the country as if daring the COVID virus to infect him,” pasaring ni Zarate.

“Mula sa pakikisalamuha sa mga lumba-lumba, paglarga na walang mask o face shield at pag-attend ng piyesta, ginawa na po niya ‘yan,” wika pa ng kongresista.

Binatikos din ni Zarate ang pagpunta ni Roque sa kaniyang tanggapan matapos itong sumailalim sa testing sa halip na mag-isolate ng sarili. Dahil sa ginawang ito umano ni Roque, nalagay pa sa panganib ang kaniyang mga kasamahan sa opisina.

“How ‘pasaway’ can you get, especially for a government official lecturing ordinary people to follow health protocols,” ayon pa sa mambabatas.

Imahe mula sa Facebook account ni Harry Roque

Nitong Lunes, ibinahagi ni Roque sa kaniyang press briefing na nagpositibo siya sa COVID-19. Dahil dito, hinimok niya ang mga taong nagkaroon sa kanya ng close contact na mag-quarantine.

BASAHIN: Harry Roque positibo sa COVID-19, nanghinayang na hindi pa siya nagpabakuna ng Sinovac sa PGH

Iginiit din ni Roque na bagama’t nakasalamuha niya si Pangulo Duterte noong March 11 kung kailan nagnegatibo ang swab test result niya isang araw bago ang meeting nila, nakadistansya naman daw siya sa presidente.

Sinas, ‘epitome of impunity’

Hindi rin pinalampas ni Zarate ang diumano’y hindi pagsunod sa health protocol ni PNP chief Gen. Debold Sinas nang dumalaw ito sa Calapan City noong nakaraang linggo.

Si Sinas ay nagpositibo rin sa COVID-19 noong Biyernes; ang araw na siya ay dumalaw sa nabanggit na lungsod.

Imahe mula sa NCRPO Facebook page

“Gen. Sinas is truly the epitome of impunity. First, with his ‘mañanita’ party during ‘enhanced community quarantine’. Then, just the other day, he did not undergo the required health screening and protocol when he went to Mindoro and eventually tested positive for COVID,” ani Zarate

Dagdag pa ng mambabatas, posibleng maraming nahawahang tao si Sinas sa Mindoro subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito napapanagot ng gobyerno dahil sa kaniyang naging mga aksyon.

Calapan mayor nilinaw na sumunod si PNP chief Sinas sa travel requirements ng lungsod

Samantala, nilinaw na ng alkalde ng Calapan na si Mayor Arnan Panaligan  na sumunod si Sinas sa kanilang travel requirements at hindi pa naman napapatunayan na may nilabag ngang health protocol ang chief PNP.

Loading…