Roque itinangging siya ay naka-quarantine sa isang luxury hotel sa Pasay

Imahe mula sa PCOO
  • Itinanggi ni Sec. Roque na naka-quarantine siya sa isang mamahaling hotel sa Pasay
  • ‘Fake news’ umano ito dahil hindi niya kayang magbayad ng ganun kamahal na hotel
  • May mga kasama rin daw siya ngayong ilang opisyal ng gobyerno na naka-quarantine din doon

Itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na siya ay kasalukuyang naka-quarantine sa isang mamahaling hotel sa Pasay gaya umano ng lumabas na ‘tsismis’.

Ibinahagi ni Roque noong nagdaang Lunes, Marso 15, na nagpositibo siya sa COVID-19 matapos sumailalim sa routine testing bagama’t inamin niyang siya ay asymptomatic.

BASAHIN: Harry Roque positibo sa COVID-19, nanghinayang na hindi pa siya nagpabakuna ng Sinovac sa PGH

Sa kaniyang regular press briefing nitong Huwebes, tinawag na ‘fake news’ ng kalihim ang kumalat na usap-usapang nasa isang luxury hotel siya naka-quarantine ngayon.

“That’s fake news. I’m in San Juan, along Annapolis street,” sagot ng kalihim nang tanungin kung totoo ang naturang tsismis.

“‘Yung tsinitsismis na nandoon ako sa Pasay, I do not even know if we have the means to pay for that hotel dahil masyado pong grande ‘yan, 7-star hotel ‘yan,” dagdag pa ng opisyal.

Nitong nakaraang mga buwan, ilang hotel ang ginagamit ng gobyerno bilang quarantine facility subalit para sa mga asymptomatic o may mild na sintomas lang. Iba pa rin umano ito sa mga ginagamit ng mga nagbabalik na OFWs sa bansa.

“Ang alam ko 2 to 3-star hotels ang kinukuha natin including motels. Hindi naman ako nasa motel. Two-star hotel ito,” wika pa ni Roque.

Imahe mula sa Facebook – Sec. Harry Roque

Ibinahagi rin ng kalihim na kasama niya ngayong naka-quarantine sa kaparehong hotel ang ilan pang opisyal ng gobyerno. Kabilang na rito ang broadcaster sa PTV, isang staff mula sa Malacañang Accreditation and Relations Office, isang undersecretary ng isang departamento, at isang direktor mula sa kaniyang tanggapan.

“The rooms are fast being occupied, and I understand we’re also in full capacity,” ani Roque.

Plano rin daw niyang konsultahin ang kaniyang doktor kung maaaring sa bahay na lang nila siya mag-quarantine dahil napapansin niya na ang iba niyang kasamahan sa hotel ay nagpapakita ng mga sintomas.

Loading…