Roque nagpaliwanag matapos sabihing ‘napakatagal na ng ating bakasyon’ dahil sa COVID

Imahe mula sa Facebook- Sec. Harry Roque
  • Nagpaliwanag si Sec. Roque tungkol sa pahayag na ‘napakatagal na ng ating bakasyon’
  • Ito ay tungkol sa usapin ng mga kinanselang holidays ngayong taon
  • Marami kasi ang umangal na hindi naman ‘bakasyon’ ang kanilang ginawa

Matapos umani ng batikos sa sinabing napakatagal na ng ating ‘bakasyon’ dahil sa COVID-19, nagpaliwanag si Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi naman ganun talaga ang konteksto ng kaniyang binitawang pahayag.

Ito ay tungkol sa usapin ng pagdedeklara ng Malakanyang sa All Souls’ Day (November 2), Bisperas ng Pasko (December 24) at Bisperas ng Bagong Taon (December 31) ngayong taon bilang special working days at hindi na non-working holidays tulad ng nakagawian dati.

Tinanggal ang All Souls’ Day bilang holiday| Imahe mula sa Facebook

Sa ginanap na press briefing, sinabi ni Roque na ang pagbabagong ito ay base sa rekomendasyon ng economic managers na baguhin ng Palasyo ang listahan ng holidays ngayon taon upang makatulong sa pagbangon ng ekonomiya.

“Napakatagal na po nating nakabaksyon, halos isang taon na tayong nagbakasyon dahil sa COVID-19,” ani Roque. “”Siguro naman po, ngayong andito na ang bakuna, hayaan naman nating maka-recover tayo for lost time.”

Ang pahayag na ito ni Roque ay hindi matanggap ng maraming netizens lalo pa’t hindi naman ‘bakasyon’ na maituturing umano ang pamamalagi nila nang matagal sa kanilang tahanan.

Karamihan raw kasi sa mga Pilipino ay nawalan ng trabaho ngayong pandemya kaya napilitang manatili na lang sa kanilang mga bahay.

Nilinaw naman ni Roque na hindi ganito ang konteksto ng kaniyang pahayag na nais maiparating.

“Ang konteksto lang nito, talagang maraming tao ang hindi nakapaghanapbuhay dahil dito sa pandemiyang ito. Kaya nga ninanais ng economic team na makahabol naman tayo, at iyon po ang konteksto na aking sinabi,” paliwanag ng kalihim sa isang panayam nitong Miyerkules.

Tinanggal rin ang Bisperas ng Pasko bilang holiday| Imahe mula sa FAQ.ph

“Hindi naman po talaga bakasyon ‘yan, kung hindi, hindi nakapagtatrabaho. Kaya ngayon na pupuwede na po tayong makapagtrabaho sana dahil nagbubukas na tayo ng ekonomiya, hayaan naman nating kumita at makapagtrabaho ang ating mga kababayan,” dagdag pa ni Roque.

Marami ang umangal matapos tanggalin sa listahan ng holidays ngayong 2021 ang tatlong nabanggit na petsa. Nangangahulugan kasi ito na kapag pumasok sila, hindi na makatatanggap ng dagdag na holiday pay na katumbas sa 30% ng kanilang arawang sahod.

Bukod dito, nakagawian na raw kasi ng karamihan na holiday ang tatlong araw na nabanggit at ito ang oras ng ilan para makauwi sa probinsiya upang makapiling ang kanilang pamilya.

Loading…