Roque: Pribadong kumpanya puwede nang bumili ng COVID vaccine, basta’t may tripartite deal

Imahe mula sa Preen.ph
  • Puwede nang bumili ng bakuna ang mga pribadong kumpanya
  • Subalit kailangang ito ay nasa ilalim pa rin ng tripartite agreement
  • Umalma kasi ang ilang mambabatas sa patakarang ito ng gobyerno

Nilinaw ng Palasyo na maaari nang bumili ng COVID-19 vaccine ang mga pribadong kumpanya basta’t ito ay nasa ilalim ng tripartite agreement ng nasabing kumpanya, national government at manufacturers.

Nabatikos ang Department of Health (DOH) matapos lumabas ang isang draft order mula sa ahensiya kung saan nasasaad dito na ang “NTF, together with the DOH shall review the requests of private entities to procure vaccines to ensure that private entities who will be part of the agreement are not in any way related to the tobacco industry, products covered under EO 51 series of 1986 or the ‘National Code of Marketing of Breastmilk Substitutes, Breastmilk Supplement and Other Related Products’ or other industries in conflict with public health.”

Imahe mula sa Senate of the Philippines

Inalmahan ni Senador Imee Marcos ang nabanggit na draft order dahil nangangahulugan daw ito na ang mga kumpanyang San Miguel Corp., pati na ang Lucio Tan group, Puregold, Nestle, Destileria Limtuaco, lahat ng soft drinks producers, Tanduay, Ginebra, White Castle at iba pa ay hindi papayagang makabili ng bakuna para sa kanilang empleyado.

“Kapag ‘di makabili ng mga bakuna itong mga malahiganteng kumpanyang ito, na 50 percent ido-donate sa publiko dahil walang pera ang gobyerno, paano pa tayo makakadagdag ng bakuna?” tanong ng senador.

Subalit nitong Lunes, Marso 22, nilinaw ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

“Isa pa pong paglilinaw, puwede na pong bumili ng bakuna ang lahat ng pribadong  kumpanya, kasama ang cigarette companies,” bahagi ni Roque.

Imahe mula kay Harry Roque

Subalit gaya ng naunang patakaran ng pamahalaan, kailangang ito ay nasa ilalim ng tripartite agreement. Ani Roque, “Hindi po puwedeng mawala ang tripartite agreement”.

May paliwanag din ang DOH sa kanilang website kung bakit hindi pinapayagang direktang bumili ang mga private companies ng bakuna sa mga manufacturers.

“Like LGUs, a tripartite agreement involving the National Government, the pharmaceutical company, and the private company is necessary for the procurement of vaccines by the private sector. An Emergency Use Authorization (EUA) is not equivalent to a marketing authorization or a Certificate of Product Registration (CPR). Hence, COVID-19 vaccines are not to be treated as commercial products even if issued with EUA,” ayon sa DOH.

Loading…