‘Sagot-for-sale’ scheme sa modules ibinahagi ng isang nanay, tutor

Imahe mula sa DepEd
  • Inamin ng isang nanay sa Albay na kumita siya mula sa ‘sagot-for-sale’
  • Ganito rin ang ibinulgar ng isang tutor sa Bulacan
  • Mukha umanong hindi talaga epektibo ang mga learning modules

Inaming totoo at talagang nangyayari ang tinatawag na ‘sagot-for-sale’ scheme sa mga learning modules na kamakailan ay nabulgar sa Seneate hearing.

Sa panayam ng PhilStar sa isang hindi na nagpakilalang nanay sa Albay, ibinahagi nitong kumita umano siya nasa P6,800 sa loob lamang ng tatlong buwan mula sa kaniyang dalawang ‘kliyente’ na kapwa estudyante sa iisang kolehiyo sa lalawigan.

For illustrative purospes only| Imahe mula sa DepEd

Ayon sa kaniya nagsimula ito nang lumapit sa kaniya ang isang Grade 12 Accountancy student upang magpatulong gumawa ng essay. Sa simula raw ay libre ang kaniyang tulong, subalit kinalaunan ay tumanggap na rin siya ng bayad dahil dumadami na ang modules na pinagagawa ng estudyante.

“Kasi ang module ay (ibinibigay sa estudyante) nang sabay sabay. May mga subject teacher na bigla na lang magdadagdag nang gagawin ,” kuwento ng babae.

Kinalaunan daw ay may lumapit muling isang estudyante sa kaniya upang magpagawa rin ng modules. Dahil dito, kumita siya ng mahigit P6,000 sa loob ng 3 buwan at kailangan niyang tumigil muna sa paglalako ng kakanin para tutukan ang sideline.

For illustrative purposes only| Imahe mula sa DepEd

Ang kinita niya mula rito ay nakatulong para makaraos ang pamumuhay ng kaniyang pamilya matapos masalanta ng bagyo ang probinsiya noong nakaraang taon.

Ang malungkot lang, nalaman niya nitong Pebrero na nag-collapse ang isa sa kaniyang ‘kliyente’ dahil sa sobrang stress sa pag-aaral at kailangan pa nitong ma-confine sa pagamutan.

Hindi epektibo ang modules?

Samantala, isa ring tutor sa Bulacan ang umamin na kumita siya ng halos P10,000 sa pagsagot lamang sa modules ng isang Grade 1 na estudyante sa isang public school.

Aniya, mukha namang hindi talaga epektibo ang mga modules dahil napipilitan lamang ang mga batang sagutan ito para makapag-comply sa requirements ng eskuwelahan.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Win Gatchalian

Magugunitang noong nakaraang Senate hearing ay ibinulgar ni  Senador Sherwin Gatchalian ang tinawag niyang ‘sagot-for-sale’ scheme kung saan diumano’y nagbabayad ang ilang magulang ng ibang tao upang masagutan ang modules ng kanilang mga anak.

Nangako naman si DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na iimbestigahan nila kung mayroong katotohanan ang ‘sagot-for-sale’ scheme.

Kapag umano nalaman nilang may mga sangkot na guro dito ay tiyak na mapapatawan sila ng kaparusahan.

Loading…