‘Sagot-for-sale’ scheme sa modules ipasisilip ng DepEd

Imahe mula sa DepEd
  • Sisilipin ng DepEd ang napaulat ng ‘sagot-for-sale’ scheme sa mga learning modules
  • Nagbabayad umano ang ilang magulang ng ibang tao para sagutan ang modules ng kanilang anak
  • Kapag napatunayang sangkot ang guro dito, tiyak umano silang maparurusahan

Paiimbestigahan ng Department of Education (DepEd) ang lumabas na ulat na diumano’y nagbabayad ang ilang magulang ng ibang tao upang masagutan ang learning modules ng kanilang mga anak.

Tinawag na ‘sagot-for-sale’ sa modules, ibinulgar ni Senador Sherwin Gatchalian ang nasabing scheme sa ginanap na pagdinig sa Senado kamakailan tungkol sa kasalukuyang online learning system sa bansa.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Win Gatchalian

“There is a what I call ‘sagot-for-sale’ activities na may mga parents ata nagbabayad para sagutan ‘yong mga modules,” ayon kay Gatchalian na hinimok ang DepEd na kailangang silipin ito.

Nangako naman si DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na iimbestigahan nila kung mayroong katotohanan ang ‘sagot-for-sale’ scheme.

“Iyan naman po ay pinapatingnan, papatingnan natin sa ating mga kasama at magpapa-validate tayo ng mga naulat,” ani San Antonio. “Simula’t simula hindi puwedeng gawin ito kasi hindi ito makakatulong sa pagturo ng honesty.”

USec San AntonioI Imahe mula ssa DepEd Tayo Facebook

Kapag umano nalaman nilang may mga sangkot na guro dito ay tiyak na mapapatawan sila ng kaparusahan.

Lumabas ang diumano’y ‘sagot-for-sale’ scheme matapos kuwestiyunin ni Gatchalian ang napakataas na passing rate ng mga estudyante sa mga pampublikong eskuwelahan nitong first quarter ng SY 2020-2021.

Ayon kay Gatchalian, ‘nasurpresa’ siya sa isinumiteng ulat ng DepEd kung saan nakalagay na nasa 99.13 percent ng halos 14.6 milyong estudyante sa buong bansa ay pumasa; habang nasa mahigit 126,000 naman ang bumagsak.

“Of course I want all of them to pass but realistically we all know the performance of our students, so I’m quite surprised with that 99 percent passing rate,” wika pa ni Gatchalian.

For Illustrative purposes only| Imahe mula sa DepEd

Tanong pa ng senador, nangangahulugan ba ito na lahat ng turo ay naa-absorb ng estudyante at talagang natututunan, gayong nasa distance learning halos ang lahat.

Bagama’t hindi naman kinukuwestiyon ni Gatchalian ang katotohanan ng report ng DepEd, nais lamang umano niyang maintindihan kung paano ang ginawang assessment. Ito ay upang malaman rin daw kung saan mahina ang mga batang Pilipino nang sa ganun ay mabigyan ito ng lunas.

Loading…