Sen. Lapid isinusulong ang lifetime validity ng passport para sa mga senior citizens

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Lito Lapid
  • Muling binuhay ni Sen. Lapid ang panukalang lifetime validity ng passport para sa mga senior citizens
  • Malaking ginhawa umano ito sa mga matatanda lalo na yaong malayo sa mga consular offices
  • Ayon naman sa DFA, labag ito sa panuntunan ng ICAO kaya malabong maisabatas

Nais ni Senador Lito Lapid na huwag nang pahirapan pa ang mga matatanda pagdating sa pagre-renew ng mga pasaporte dahil malaking tulong umano ito sa kanila lalo na iyong mga nakatira na malalayo sa consular offices.

Sa ginanap na virtual hearing ng Committee on Foreign Relations, muling binuhay ni Lapid ang kaniyang panukala noong 2019 sa lifetime validity ng passport para sa mga senior citizens.

Imahe mula sa Facebook account ni Sen. Lito Lapid

“‘Yung mga senior citizen natin, karamihan diyan ay ‘di na makalakad, ‘di na makakita, malabo na ang mata. Kaya, pwede na sigurong pagbigyan,” ayon sa mambabatas na siyang may-akda ng Senate Bill No. 1197.

Sa pamamagitan umano ng batas na ito kapag naipasa ay hindi na mahihirapan pa ang mga senior citizens na maglakad at pumila ng napakahaba na karaniwang sitwasyon kapag nag-aaply o nagre-renew ng pasaporte sa bansa.

“Through this lifetime validity, our senior citizens are spared from the rigorous process and long lines often associated with passport application and renewal. This is also beneficial to senior citizens who live far away from city centers where DFA Consular Offices are usually situated,” wika ni Lapid sa explanatory note ng panukala.

Subalit, may agam-agam naman dito ang Department of Foreign Affairs (DFA) dahil labag umano ito sa panuntunan ng International Civil Aviation Organization (ICAO).

“The issue there is that the passport will not be compliant because it does not conform with the ICAO standards and our senior citizens might have a problem when they cross borders,” paliwanag ni DFA Office of Consular Affairs Executive Director Alnee Gamble.

Payo naman ni Sen. Francis Tolentino, baka puwedeng gawan ng paraan tulad ng stamping na lamang o revalidation kada lima o sampung taon base sa requirements.

Imahe mula sa PIA

Pero hindi pa rin daw ito maaari, ayon sa DFA, dahil kailangan talagang sundin ang panuntunan ng ICAO.

Ayon naman kay Senador Koko Pimentel, na siyang chairman ng committee, plano niyang isama sa bersyon ng Kamara na naglalayong i-update ang Philippine Passport Law ang panukalang gawin na lamang libre ang renewal ng pasaporte para sa mga senior citizens.

Loading…