Solon kinuwestiyon ang kumalat na ‘advanced’ tally ng COVID cases: “Ini-engineer ba ‘yan?”

Imahe mula sa DOH
  • May kumalat daw na text message na nasasaad ang tally ng DOH
  • Subalit ito ay kumalat isang araw pa bago ito inilabas ng ahensiya
  • Dahil dito, nabahala ang isang solon kung ang numero ba ay minamaniobra

Inihayag ng isang mambabatas ang kaniyang pagkabahala tungkol sa diumano’y kumalat na text message kung saan nasasaad dito na mayroon nang tally ng kaso ng COVID ang Department of Health (DOH) isang araw bago pa man ito mailabas.

Sa ginanap na pagdinig sa Kamara nitong Martes, kinuwestiyon ni Marikina Rep. Stella Quimbo ang mga opisyal ng DOH matapos makatanggap umano siya ng text message na nagsasabing papalo sa 7,999 ang kaso isang araw bago ito inilabas noong Marso 20.

Rep. Quimbo| Imahe mula sa PeoPlaid

Inihalintulad ito ni Quimbo sa mga gawain sa mall kung saan minamaniobra diumano ang presyo ng mga bilihin.

“Ini-engineer ba ‘yan? ‘Yung presyo sa Shoemart ‘di ba, P79.95. Hindi mo paaabutin ng P80, pwedeng ganun,” saad ni Quimbo.

“Or, do you have some leeway in carrying over cases? Halimbawa, the total in two days is 10,000. Downpayment muna tayo, 7,999 ngayon, ipagpabukas na natin ‘yung iba,” dagdag pa ng mambabatas.

Ang nakababahala pa raw ay nagmula sa taga-DOH ang nabanggit na text message.

Imahe mula sa DOH

“My concern is that I actually knew that it was going to be 7,999, 24 hours before it got reported. Nakakita ako ng text someone from DOH saying that tomorrow na 7,999,” paliwanag ni Quimbo.

Napaka-weird umano ng text at nagulat siya na isang araw matapos itong matanggap ay lumabas ngang 7,999 ang bilang ng kaso ng COVID.

Para kay Quimbo, sagrado ang mga numerong ito kaya nang mapagtanto niya ang nangyari ay nagdesisyon siyang kuwestiyunin ang DOH tungkol dito.

Paliwanag naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maaaring may nag-leak ng numero mula sa kanilang surveillance team kaya iniimbestigahan na nila ito.

Hindi raw kasi aabot ng 24 oras para i-proseso nila ang data na lalabas sa susunod na araw. Karaniwan umano na 1 pm ay extracted na nila ang data at ‘lilinisin’ nila ito hanggang 7 pm kung kailan ay may lalabas nang ‘topline numbers’.

Imahe mula sa PCOO

Kinabukasan ay muli itong rerepasuhin upang makita kung may ‘duplication’. Ala-1 nang hapon naman ay makararating sa kaniya ng total na tally para sa ‘final clearance and vetting’.

Samakatuwid, ayon pa kay Vergeire, posible na mayroon nang draft ng ‘topline numbers’ at hindi na ito nagbago na siya ring lumabas na leak.

Ganun pa man, tiniyak ng DOH na hihigpitan pa nila ang seguridad ng data at lilimitahan na ang may access sa mga numerong ito.

Loading…