SUV inararo ang loob ng isang bangko sa EDSA

Imahe mula sa PTV/ Patrick John Valisno
  • Isang SUV ang bigla na lamang umarangkada at pumasok sa isang bangko sa EDSA
  • Nasira ang salamin at bakal na pader ng naturang bangko, base sa mga ulat
  • Hindi umano sinasadyang naapakan ng driver ang gas pedal ng sasakyan, ayon sa QCPD

Bigla na lang umarangkada ang isang sports utility vehicle (SUV) at binangga ang salamin ng isang bangko sa kahabaan ng EDSA malapit sa Muñoz sa Brgy. Ramon Magsaysay, Quezon City.

Nangyari umano ang insidente dakong 8:00 am ng umaga nitong Miyerkules, Marso 17, habang papaalis ang driver na nakilalang si Esther Peralta, isang doktora.

Imahe mula sa PTV/ Patrick John Valisno

Batay sa ulat ng QCPD, ‘hindi sinasadyang naapakan’ ni Peralta ang silinyador ng puting SUV niya na Mitsubishi Montero kaya dire-diretso itong humarurot papasok ng bangko, dahilan para mabasag ang salamin at nakaharang na bakal ng establisimyento.

Ayon naman sa ilang nakasaksi sa insidente, nakarinig muna sila ng malakas na ugong at nakakita ng itim na usok mula sa sasakyan bago ang pangyayari, bagama’t inaalam pa ng mga awtoridad kung may katotohanan ito.

Isa namang 44-anyos na empleyado ng bangko na nakilalang si Aireem Marco ang bahagyang nasaktan sa insidente at isinugod sa East Avenue Medical Center para ipagamot.

Imahe mula sa Facebook-Landbank

Samantala, nahaharap ngayon ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in damage to property with physical injuries. Patuloy pang iniimbestigahan ang insidente para sa karagdagang ebidensiya.

Kaugnay nito, inanunsiyo naman ng Land Bank sa kanilang Facebook page na pansamantalang isasara ang naturang branch dahil sa mga pinsalang natamo mula sa insidente.

Para sa mga apektadong account holders, maaari lamang magtungo sa mga sumusunod na branch para sa kanilang transactions: Elliptical Road Branch: DA-BSWM Compound, Elliptical Rd., Quezon City; West Avenue Branch: No. 47, Ground Floor, Brgy. Paltok, West Avenue, Quezon City; North Avenue Branch: Sugar Regulatory Administration Building, North Avenue, Diliman, Quezon City; at sa Caloocan Branch: #151 Samson Road, Caloocan City.

Loading…