Tatay na tagahatid ng diyaryo ang trabaho, isang buwang nag-ipon para maibili ng T-shirt ang anak

Imahe mula sa Bihis Calle via Bayan Mo Ipatrol Mo
  • Halos isang buwang nag-ipon ang isang tatay maibili lamang ng T-shirt ang kaniyang anak
  • Ibinahagi ang kanilang nakaaantig na kuwento ng may-ari ng shop na nagbigay ng malaking discount
  • Tagahatid lamang ng diyaryo ang trabaho ng tatay kaya inabot siya ng matagal bago nakapag-ipon

Tunay nga na ang mga magulang ay handang magsakripisyo para lamang sa kaniyang pamilya, lalo pa kapag pangangailangan ng anak ang pinag-uusapan.

Ganito ang kuwento ng isang tatay na ang trabaho ay tagahatid lamang ng diyaryo; isang marangal na hanapbuhay subalit kakarampot ang kita.

Ganun pa man, hindi ito naging sagabal kay Franco Emperado para ibili ng T-Shirt ang kaniyang anak na si Federico, 12 anyos at isa umanong sakiting bata.

Screenshot mula sa Teleradyo video

Ibinahagi ang kuwento at mga larawan ng mag-ama sa social media ni Remie Mark Baon;  may-ari ng shop sa Biñan, Laguna kung saan binili ni Tatay Federico ang damit.

Ayon kay Remie Mark, matagal na niyang napapansin na pabalik-balik at padaan-daan sa kaniyang shop si Federico. Iyon pala ay sinisilip nito at pinag-iipunan ang T-shirt na balak niyang bilhin para kay Franco.

“Natutuwa lang ako sa mag-ama kasi pansin ko na parang talagang kulang ‘yong budget ni tatay para sa mga price ng damit. Kaya ginawa ko ibinigay ko nang mababa kay tatay,” ani Remie Mark sa kaniyang post kamakailan.

Screenshot mula sa Teleradyo video

Matapos bigyan ng malaking discount para mabili lamang ang T-shirt, tuwang-tuwa umanong umuwi ang mag-ama.

“Nakakatuwa lang kasi kita mo ang ngiti sa kanilang mag-ama na halos magtatalon no’ng pauwi na,” wika ng may-ari ng shop.

Kuwento ng asawa ni Federico na si Nanay Florentina, napilitan siyang tumigil sa pagtatrabaho upang maalagaan ang kanilang sakiting anak. Si Tatay Federico naman ay pagde-deliver lamang ng diyaryo ang pinagkakakitaan kaya hirap talaga sila sa buhay.

Sa kabila nito, nagsisikap umano ang kaniyang asawa na makapag-ipon kahit inabot ng halos isang buwan upang maibili lamang ng damit ang kanilang minamahal na anak.

Mabuhay po kayo, Tatay Federico at Nanay Florentina!

Loading…