Unilab itinangging pinadidispatsa sa pest controller ang mga pusang pumapasok sa premises nila

Imahe mula sa Cats of Greenfield District
  • Itinanggi ng Unilab na pinapa-exterminate nila ang mga pusang pumapasok sa compound nila
  • Ipinahuhuli at ipinare-relocate lang daw ang mga iyon bilang pagsunod sa Good Manufacturing Practices na ipinatutupad ng FDA
  • Sinabi ng isang grupo na isinasako ang mga pusa at itinatapon sa ilog

Itinanggi ng Unilab, isang pharmaceutical company, na pinapupuksa nila sa isang pest control company ang mga pusang gala na nakapapasok sa kanilang pasilidad sa Mandaluyong City.

Imahe mula sa Cats of Greenfield District

“We have looked further into the matter, including a thorough review of our third-party contract provider’s procedures. We have confirmed that no cat was ever exterminated in any of their processes,” saad ng statement na inilabas ng kumpanya.

Ang pahayag ng Unilab ay bilang reaksyon sa social media post ng Cats of Greenfield District – isang grupo na nagbibigay ng proteksyon sa kapakanan ng mga pusa sa kanilang komunidad, na nagsasabing pinupuksa ng kumpanya sa malupit na pamamaraan ang mga pusa.

Ayon sa grupo, isinasako raw ang mga pusa, kuting man ang mga ito o malalaki na, at pagkatapos ay itinatapon sa ilog.

Inamin ng Unilab na kinuha nila ang serbisyo ng isang third party service provider upang tulungan sila na mai-relocate ang mga pusang nakakapasok sa kanilang pasilidad.

Ang relocation sa mga pusa ay isang pagtalima raw sa direktiba ng Food and Drug Administration (FDA) hinggil sa Good Manufacturing Practices na ipinag-uutos na kailangan nilang gumawa ng mga hakbang upang mapigilan ang pagpasok ng mga hayop sa kanilang compound para matiyak na ligtas ang mga medisinang kanilang ginagawa.

Imahe mula sa Cats of Greenfield District

Napag-alaman ng Cats of Greenfield District na ang third-party service provider ay ang pest control company na Rentokil.

Sinabi ng Unilab na pansamantala nitong ipinatigil ang serbisyo ng pest controller at nakikipag-ugnayan na sa komunidad upang makahanap ng mas mainam na paraan kung paano mapapangalagaan ang mga pusa habang sinusunod ang regulatory guidelines  ng FDA.

Naglabas din ng pahayag ang Rentokil at sinabi na sumusunod sila sa batas at hindi gumagamit ng malupit na paraan ng pamumuksa sa mga pusa.

Screenshot ng Rentokil statement

Hinuhuli lang daw nila ang mga pusa gamit ang Cat Cage Trap at inire-relocate ang mga nahuhuling pusa sa lugar na hindi bababa sa sampung kilometro ang layo mula sa lugar na pinagkuhanan sa mga ito.

Tinitiyak nito na ang relocation site ay akma para maka-survive ang mga pusa.

Source :

Facebook, ABS-CBN

Loading…