‘Wala na silang pera’: Ilang hospital hindi pa nababayaran ng PhilHealth simula Marso 2020

Imahe mula sa Philhealth
  • Hindi pa nababayaran ng PHilhealth ang ilang ospital simula pa noong nakaraang taon
  • Wala na raw halos pera ang ilang ospital kaya balak na ring mangutang
  • Maging ang utang ng Philhealth sa PRC ay lumubo na naman

Ilang ospital ang hindi pa umano nakatatanggap ng bayad mula sa PhilHealth simula pa noong Marso ng nakaraang taon, ayon sa opisyal ng Philippine Hospital Association (PHA).

Ibinahagi ni PHA president Dr. Jaime Almora sa panayam ng GMA News nitong Linggo na halos wala nang pera ang mga ospital na ito at nagpaplano nang mangutang.

“Wala na silang pera, kahit ‘yung malalaking hospital. Kausap ko medical directors, nag-iisip humiram ng pera kasi mula noong magsimula ang COVID-19, marami sa kanila ang hindi pa nakakolekta ng bayad sa PhilHealth,” ani Dr. Almora.

Dahil dito, baka mahirapan umano silang makabili ng COVID-19 vaccine at maging ang pampasahod sa kanilang mga empleyado.

Balak na rin daw nilang makipag-usap sa PhilHealth tungkol dito.

“Gumagawa kami ng sulat ngayon. We are seeking a dialogue from PhilHealth,” ayon pa kay Dr. Amora.

Utang sa PRC lumaki na naman

Halos kasabay din ito ng ibinulgar ni Senador Richard Gordon na lumobo na naman sa P822-M ang utang ng Philhealth sa Philippine Red Cross.

Ayon sa senador, bagama’t binabayaran naman ng PhilHealth ang PRC paunti-unti, inaabot na ito ng hindi nababayaran araw-araw.

Imahe mula sa PRC

Dismayado rin si Gordon na hindi natupad ng state insurer ang pangako nito na babayaran ang PRC ng P200-M kada linggo.

Kailangan rin daw nila ang pera at kung patuloy na lumaki ang utang ay baka itigil na ng PRC ang COVID testing na ginagawa nito.

Sinuspending IRM

Magugunitang sinabi ni Philhealth president Dante Gierran na na-liquidate na ang halos 95 porsiyento ng P15-B na nailabas ng ahensiya bilang advance payments sa mga ospital sa pamamagitan ng kontrobersiyal na interim reimbursement mechanism o IRM.

Philhealth chief Dante Gierran/ Imahe mula sa PNA

Subalit matapos pumutok noong nakaraang taon ang diumano’y katiwalian sa ahensiya gamit ang IRM, sinuspendi muna ito ng Philhealth para bigyang daan ang imbestigasyon.

Kaugnay nito, hindi pa naglalabas ng pahayag ang PhilHealth tungkol sa dalawang nabanggit na isyu.

Loading…