Walang matirhan: Sidecar na tanging ikinabubuhay ng lalaking may karamdaman, ninakaw

Image by Angelita Flores via Facebook
  • Lalaki ninakawan ng sidecar na tanging bumubuhay sa kanya at tinitirhan din niya
  • Hindi lang siya pinagnakawan, ibinagsak pa ito sa sahig
  • Nananawagan ng tulong ang netizen para kay sa lalaki na kinilalang Arman ang pangalan

Masakit isipin pero bakit kaya kung minsan kung sino pa ang walang-wala ay sila pa ang mas lalong naghihirap? Kagaya sa isang lalaki na ninakaw ang sidecar na tanging bumubuhay sa kanya at siya ring nagsisilbi niyang tirahan. Dagdag pa rito, ang lalaki ay nasa nakaaawang kalagayan ngayon.

Image by Angelita Flores via Facebook

Ayon kay Angelita Flores, “Sobrang nakakaawa po. Siya po si Kuya Arman, isang sidecar boy, walang tirahan, wala ding mga kamag-anak dito sa Manila. Natutulog lang po siya sa kanyang sidecar na tangi niya pong pinagkukunan ng kanyang makakain.”

Pero saad ni Angelita, ninakaw ang kanyang sidecar kamakailan at ibinagsak pa ang katawan ng lalaki sa semento kaya hindi ito makatayo sa sobrang sakit umano ng balakang nito, may sugat sa leeg at namamaga, nilalagnat at nanginginig din ito.

Kaya humihingi ngayon ng tulong ang netizen sa mga may mabubuting kalooban na tulungan ang lalaki na maipagamot ito at mahanap ang kanyang sidecar. “Para matulungan po na makuha siya dito sa may Narra St. Cor. Mayhaligue  St. (Tondo) sa mismong kanto lang at dito lang siya nakahiga sa bangketa na ‘to.”

Mas makabubuti, aniya, na puntahan ang lalaki sa kanyang lokasyon at ipaabot sa kanya mismo ang tulong para hindi mabiktima ng scam. Wala umano itong tirahan; bagkus ay sa bangketa lamang natutulog.

“Kung meron po kayo mga damit na hindi na ninyo ginagamit puwede n’yo po i-donate kay Kuya Arman. Wala po kasi siyang masuot kundi ‘yung binigay lang namin sa kanya.”

Image by Angelita Flores via Facebook

Samantala, nabanggit ni Angelita sa comment section na kinuha na ng DSWD ang lalaki para dalhin sa ospital pero ibinalik din kalaunan. Kaya’t nakikiusap pa rin siya sa mga nais tumulong dito.

Habang ibinabahagi ito ay mayroon nang higit 26,000 reaksyon at nasa 25,000 shares ang post. Marami ang nanawagan ng tulong at panalangin para sa lalaki, gayundin ang pag-tag sa programa ni Raffy Tulfo.

Image by Angelita Flores via Facebook
Source :

Facebook

Loading…