Whispering Flower Beds: A tribute to fallen medical frontliners

Screenshot mula sa video ni Nurse Bangz
  • Isang art installation sa PGH ang ginawa ng mga artists at iba pang personalidad bilang pagbibigay-pugay sa mga fallen medical frontliners
  • Tinawag na “Whispering Flower Beds” ang art installation na bukas sa publiko mula March 14 hanggang March 30
  • Nilikha ang art installation upang kilalanin ang sakripisyo ng mga fallen frontliners na itinaya ang lahat kasama na ang kanilang buhay upang iligtas ang mga mamamayan sa salot na COVID-19

Nagsama-sama ang ilang Pinoy artists, sa pangunguna ng visual artist na si Toym Imao, ilang celebrities at medical workers ng Philippine General Hospital (PGH) sa pagbibigay ng tribute sa mga medical frontliners na iginupo ng COVID-19.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Gamit ang labindalawang kama na hindi na ginagamit mula sa COVID-19 ward ng PGH, isang art installation ang nilikha ng grupo upang kilalanin ang sakripisyo ng mga fallen frontliners na itinaya ang lahat kasama na ang kanilang buhay upang iligtas ang mga mamamayan sa salot na novel coronavirus.

Ang labindalawang kama ay kumakatawan sa 12 buwan na ang Metro Manila ay nasa ilalim ng community quarantine. Noong Linggo, ika-15 ng Marso, ang eksaktong ika-isantaon ng pagdedeklara ng lockdown sa bansa dahil sa pandemya.

Ang isandosenang hospital beds ay tinaniman ng mga halaman at bulaklak na sunlight-resistant na inaasahang mamumukadkad sa ika-30 ng Marso. Kinakatawan ng mga halamang ito ang muling pagsibol ng buhay sa gitna ng umiiral na health crisis na nagdudulot ng kahapisan sa mga mamamayan.

Ang Whispering Flower beds exhibit ay bukas sa publiko sa loob ng dalawang linggo. Binuksan ito noong March 14 at matatapos sa March 30.

Screenshot mula sa video ni Nurse Bangz

Ang mga kuwento sa likod ng mga sakripisyo ng fallen frontliners na ibinahagi ng mga naulila nilang kaanak ay “ibubulong” sa mga taong bibisita sa exhibit sa pamamagitan ng mga speakers na nakakabit sa ulunan ng mga kama.

Ito ay magsisilbing paalala kung ano ang mga naganap sa nagdaang taon ng pandemya.

“Their testimonies, stories and everything will be recorded and played on loop so that the people viewing the installation can be reminded of what happened in the past year of the pandemic,” sabi ni Imao.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Sa huling araw ng exhibit ay gaganapin ang “Aluyan ng Paghilom” — isang tribute program para sa mga fallen frontliners na maaaring mapanood online.

Source :

Inquirer, YouTube

Loading…