Xian Lim, aprub kay Mayor Isko Moreno na i-portray siya sa musical film na “Yorme”

Imahe mula sa Instagram account ni Xian Lim
  • Aprubado kay Mayor Isko Moreno si Xian Lim na gumanap bilang “Yorme” sa isang musical film
  • Noong March 18 nagsimulang gumiling ang camera para kunan ang ilang eksena ng “Yorme”
  • Si McCoy de Leon ang gaganap na teenager na Isko

Aprub kay Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pagpili sa aktor na si Xian Lim para gumanap bilang siya sa musical film na “Yorme, ang pelikula tungkol sa buhay ng alkade.

Imahe mula sa Instagram account ni Xian Lim

Swak kay Xian Lim ang papel dahil bukod sa mahusay sa aktingan ay isa rin siyang matinik na singer na kailangan sa isang musical movie.

“I am thankful to him. Bagay naman sa kaniya. I think Xian can give justice to the character. I believe in him and I hope he can inspire other people through this movie,” pahayag ng alkalde na sumikat sa tawag na Yorme dahil sa hilig niyang magsalita nang pabaliktad.

Ang Yorme ay co-production ng Viva Films at ng Saranggola Productions. Si Joven Tan ang direktor nito.

Noong March 18 nagsimulang gumiling ang movie camera kung saan kinunan ng ilang eksena si Xian Lim sa Batangas.

Ibinahagi ng aktor sa kanyang Instagram page ang larawan ng kinunan na eksena.

“Sana sa pelikulang ito at sa pagganap ko sa buhay ni yorme ay makapagbigay kami ng inspirasyon sa aming manonood na huwag susuko sa kahit ano mang pagsubok sa buhay,” saad ng aktor sa kanyang Instagram post.

Ayon sa Saranggola Productions, si McCoy De Leon ang gaganap na teenager na Isko Moreno, samantalang ang child actor na si Raikko Mateo ang magpo-portray sa batang Isko.

Imahe mula kay Joven Tan

Kabilang sa mga pinagpilian para gumanap na yorme ay sina Marvin Agustin, JC Santos at Matteo Guidicelli.

Nilinaw ng direktor na si Joven Tan na ang proyekto ay hindi isang campaign movie para sa 2022 elections. Isa umano itong inspirational movie.

Si Mayor Isko Moreno mismo ang magsisilbing storyteller sa pelikula tungkol sa kanyang buhay.

Imahe mula sa Cinema Bravo

Loading…