2 hanggang 5 empleyado ng PGH nahahawa sa COVID kada araw – spokesperson

Imahe mula sa PNA
  • Nasa 2 hanggang 5 empleyado ng PGH ang nagkakaroon ng COVID-19 kada araw
  • Sa kabila nito, nakaagapay naman daw ang ospital dahil sa pinahigpit na protocols at mga ipinatupad na pagbabago
  • Sa kasalukuyan, nasa 80% na rin ng kanilang empleyado ang naturukan ng bakuna

Halos dalawa hanggang limang empleyado ng Philippine General Hospital (PGH) ang nahahawa kada araw, ayon sa tagapagsalita ng ospital na si Dr. Jonas Del Rosario.

Karaniwan umanong sumasailalim sa test ang mga nagtatrabaho sa PGH oras na sila ay makaranas ng sintomas o kaya ay mayroong ‘significant exposure’ sa mga pasyenteng may COVID-19.

Imahe mula sa Facebook page ng PGH

“At least po in a day, sometimes, mga 2 to 5 healthcare workers po would turn out to be positive,” bahagi ni Dr. Del Rosario sa public briefing nitong Miyerkules.

Sa kabila nito, patuloy naman daw silang nakaagapay dahil lalo pang hinigpitan ang health protocols.

“But medyo nakaka-cope naman po kami ngayon dahil marami-rami pong—naghigpit kami ng protocols at malaking bagay po iyong in-institute naming changes,” ayon pa sa opisyal ng PGH.

Dr. Jonas Del Rosario| Screenshot mula sa You Tube

Kabilang sa ipinatupad nilang pagbabago ay ang pag-assign ng safety officers na magtitiyak na nasusunod ang protocols, pinalawig na quarantine period sa mga empleyado at pagsusuot ng N95 mask.

Sa kasalukuyan, nasa 80 porsiyento na ng empleyado ang naturukan ng COVID vaccine. Sa kabuuan, nasa 6,000 na ang naturukan ng bakuna at ang iba ay mayroon na ring second dose, ayon kay Del Rosario.

Maliit lamang na porsiyento ng empleyado ang hindi pa umano nababakunahan dahil ang ilan sa kanila ay naka-quarantine habang ang iba naman ay mayroong COVID.

PGH health workers| Imahe mula sa ABS-CBN News

“Maliit lang po ang porsyento na ayaw pang magpabakuna for personal reason. Napakaliit na lang po nun, wala pang 1 percent. Most of them did not get vaccinated because of the circumstances,” bahagi pa ng doktor.

Nagpapatuloy pa rin umano ang pagtuturok ng second dose ng Sinovac subalit matatagalan pa ang AstraZeneca dahil mas matagal ang interval nito kaya posibleng sa Mayo o Hunyo pa magkaroon ng pangalawang dose ng nasabing bakuna.

Loading…