@40: Si Tita Julie lang ang ‘sakalam’

Screenshot mula sa commercial ng Julie's bakeshop
  • Nagdiwang ng 40th anniversary ang Julie’s bakeshop
  • Nag-trending sa social media ang kakaibang commercial ng Julie’s 
  • Nais iparating ng commercial ang mensahe na kaya pa ring abutin ninuman ang pangarap sa anumang edad

Isang sikat na bakery – ang Julie’s Bakeshop – ang naglabas sa social media ng kakaibang commercial para sa ika-40 taong anibersaryo nito.

Imahe mula sa Julie’s Bakeshop

“Fresh at 40 pa rin! Kabahan na ang mga Tita shamer diyan. Sige kayo, sumbong namin kayo kay Tita Julie!” ang caption sa Facebook post ng Julie’s Bakeshop.

Nag-trending sa Twitter ang #StopTitaShaming matapos lumabas ang commercial na ang tema ay tungkol sa ‘ageing’ o pagtanda.

Paliwanag ni Dionnie Tanada, ang associate creative director ng GIGIL na siyang gumawa ng commercial, akma raw sa imahe ng bakery ang bagong campaign. Ang image daw ni Julie ay isang  “caring tita” na nagbe-bake.

“We want Pinoy titos and titas to embrace their age and prove tita shamers wrong. Like Mrs. Julie Gandionco, kaya pa rin nilang abutin ang mga pangarap nila, anumang edad,” sabi ni Tanada.

Ang may-ari nito na si Julie Gandioco ay nasa 50s na nang simulan ang Julie’s Bakeshop noong 1981. Mayroon na ngayong mahigit 450 branches ng bakery sa buong bansa, ayon kay Marc San Juan, ang national marketing head ng Julie’s Bakeshop.

Imahe mula sa Julie’s Bakeshop

“When you say ‘Tita,’ it doesn’t automatically mean you’re talking about women who are stuffy and formal. Titas can be cool and very dynamic. Our founder, Mrs. Julie Gandionco, was already in her 50s when she decided to start her own bakeshop.  Now it’s grown to a network of more than 450 stores all over the Philippines,” aniya.

Sa commercial, makikita ang dalawang “tita” na nag-e-exercise sa gym nang pumasok ang isang lalaki at kinutya sila.

“Kaya pala amoy liniment dito, eh. Tita, sa kabila ‘yung aerobics ” pasaring ng lalaki sa dalawang “tita.”

Screenshot mula sa commercial ng Julie’s bakeshop

“Tita, dahan-dahan lang. ‘Yung kyutiks n’yo baka masira mamamalengke ka pa. Hehehe,” patuloy ng lalaki.

Sa puntong iyon ay pumasok sa eksena ang karakter ni “Julie” at minasa ang lalaki at ginawang pandesal.

“Dati abs lang niya ang pandesal, ngayon buong katawan na. Kaya stop tita shaming,” sabi ni ‘Julie.’

Screenshot mula sa commercial ng Julie’s Bakeshop

Sa huling eksena ay makikitang nagbubuhat ng weights habang nasa weight training bench si “Julie” na tila nais iparating ang mensahe na “si tita Julie lang ang ‘sakalam’ (malakas).”

Panoorin ang buong commercial:

Loading…