500K doses ng Sinovac wala pang ‘certificate of analysis’; vaccine rollout ‘di pa masisimulan

Imahe mula sa NTF COVID-19
  • Maaantala ang pamamahagi ng panibagong 500,000 doses ng Sinovac
  • Hindi pa raw kasi natatanggap ng DOH ang ‘certificate of analysis’ nito mula sa manufacturer
  • Posibleng sa Abril 2 pa ito darating at saka pa lamang masisimulan ang rollout

Malabong masimulan ngayong linggo ang vaccine rollout ng panibagong 500,000 doses ng Sinovac vaccine na binili ng pamahalaan sa China at dumating sa bansa noong nakaraang Huwebes, Abril 22.

Ito ay matapos aminin ng Department of Health (DOH) na hinihintay pa rin nila ang ‘certificate of analysis’ (COA) mula sa manufacturer ng bakuna na wala pa rin hanggang ngayon.

Imahe mula sa NTF COVID-19

Kailangan umano ang COA bilang patunay na aprubado na ito sa FDA bago maipamahagi ang panibagong batch ng Sinovac.

“Ito ay dapat makita ng FDA at vaccine cluster na itong batch na ito, OK for distribution,” ani Health Undersecretary Leopoldo Vega.

Inaasahan itong darating sa Abril 29 at saka pa lamang masisimulan ang rollout.

“’Yung Sinovac COA darating sa April 29. ‘Yun na ang panahon ng pagdi-distribute sa allocated sites ng Sinovac vaccines,” dagdag pa ng opisyal.

Hindi naman binanggit pa ng DOH kung ano ang naging dahilan sa pagkaantala ng delivery.

Dapat sana ay masisimulan na ang panibagong vaccination drive ng Sinovac base sa ipinangako ni vaccine czar Sec. Carlito Galvez.

Imahe mula sa Twitter/Vivienne Gulla

Tiniyak noon ni Galvez na ang 100,000 doses ng bagong batch ng bakuna ay maipapapamahagi na sa Metro Manila sa loob ng 2 hanggang 3 araw simula nang dumating ang delivery noong Huwebes.

“Inaasahan po natin na iyong administration nito is within one week matatapos po kaagad,” pangako pa ng kalihim.

Samantala, dahil sa panibagong batch ng Sinovac,  umabot na sa kabuuang 3.525 milyong doses ng COVID vaccine ang dumating sa bansa, at nasa kalahati nito ay naipamahagi at naiturok na sa mga kinauukulang benepisyaryo.

Loading…