Akin ang tiyan: Isa ka ba sa mga nakikipag-agawan sa tiyan ng bangus?

  • Sa isang Facebook group, naging paksa ang pagkahumaling ng ilan sa tiyan ng bangus
  • Ayon sa kanila, ito raw ang pinakamasarap na parte ng bangus
  • Kaya naman, nagiging ugat daw ang bangus belly ng agawan at unahan ng ilang pamilya sa hapag

Bahagi na ng kulinarya ng Pilipinas ang mga lutuing isda. At kapag isda ang pag-uusapan, hindi maaaring maitsapwera ang bangus. Dahil paborito ito ng maraming Pilipino, lalo na kung bangus Dagupan, marami na ring lutuin ang naisasagawa sa idang ito.

Ngunit may ilan sa atin, kahit ano pa man ang luto sa bangus, may isang parte nito ang hinahanap-hanap at kung minsan ay nagiging ugat pa nga ng agawan—ang tiyan nito.

Larawang ibinahagi ni Vholet Nakazawa

Sa ilang post sa Facebook group na Memories of Old Manila and Beyond, makailang ulit na napag-usapan ang pagkahumaling ng ilang miyembro sa tiyan ng bangus o bangus belly. Ayon sa post ni Vholet Nakazawa, ang bangus belly raw ang pinakamasarap na bahagi ng bangus.

Tulad ng inaasahan, maraming bangus belly warrior ang sumang-ayon kay Vholet. Para sa kanila, talaga namang napapakanin sila nang marami kapag may bangus belly pang natira sa kanila. Perfect daw ang tiyan ng bangus kung paksiw o sinigang ang luto at isasawsaw sa patis na may kalamansi at sili.

Kung minsan nga raw, nagiging sanhi pa ng agawan ang bahaging ito ng bangus. Hindi kasi maiiwasan na sa isang pamilya, mayroong magkatulad na paborito ang tiyan ng bangus. Buti na lamang daw ngayon ay marami na rin ang nagtitinda sa palengke ng bangus belly lang.

“May favorite part. Sa aming bahay, paunahan sa parting ulo para may tiyan,” sabi ng isang netizen na nagkomento sa post.

Larawang ibinahagi ni Rene Seno

Sa post naman ni Rene Seno, ibinahagi niya ang isang larawan ng napakaraming bangus belly na nasa isang plato. Nakalagay pa sa larawan, “Sa inyo ang laman, akin ang tiyan!”

Maliban sa masarap, talaga namang healthy pa ang bangus belly. Hindi tulad ng taba ng baboy at baka, ang taba ng isda na makukuha sa tiyan nito ay mayaman sa omega 3 na maganda sa pus0.

Ikaw, paborito mo ang bangus belly o tiyan ng bangus?

Loading…