Ang mga dapat malaman tungkol sa ayuda sa NCR+ areas

Imahe mula sa RMN
  • Naglabas ang DSWD ng ilang impormasyon hinggil sa pamamahagi ng ayuda sa NCR+ areas
  • Aalalay sa mga LGU ang DSWD, DILG at DND para sa maayos na pamamahagi ng financial assistance
  • Magbibigay ang DSWD ng validated list ng beneficiaries na magiging gabay ng  mga LGU upang matukoy ang pagkakalooban ng tulong
  • Kung sinu-sino ang mga kwalipikadong beneficiaries ng ayuda ay desisyon ng LGU

Naglabas ang Department of Social Welfare and Development-National Capital Region (DSWD-NCR) ng mga mahahalagang impormasyon na dapat malaman hinggil sa ayuda o financial assistance na ipamamahagi sa mga residente ng NCR+ areas (National Capital Region o Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal at Bulacan) na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ).

Imahe mula sa DSWD-NCR

Narito ang ilan sa mga dapat malaman tungkol sa pamamahagi ng ayuda batay sa Facebook post ng DSWD-NCR:

Aalalay sa mga local government units (LGUs) ang DSWD, Department of Interior and Local Government at Department of National Defense upang matiyak na magiging maayos ang pamamahagi ng ayuda.

Bibigyan ng DSWD ng validated list ng mga benepisyaryo ng SAP ang mga LGUs na magsisilbing gabay upang matukoy ang mga pagkakalooban ng tulong. Nasa diskresyon na umano ng LGU kung sinu-sino ang bibigyang-prayoridad para sa financial assistance.

“Ang listahan po ng mga benepisyaryo para sa Financial Assistance sa NCR+ ay magmumula sa LGU. Ang DSWD NCR ay nagbahagi ng listahan ng ESP SAP beneficiaries sa mga LGUs bilang kanilang reference lamang ngunit ang final na listahan ng mga kwalipikadong makakatanggap ng Financial Assistance sa NCR+ ay desisyon ng LGU,” paglilinaw ng DSWD-NCR.

Screenshot ng FB post ng DSWD-NCR

Ang ayuda, kung ibibigay in cash, ay dapat maipamahagi sa loob ng 15 days, samantalang kung in kind ay sa loob naman ng 30 days.

Bago ipamahagi ang ayuda, dapat i-post ng LGU ang mga naaprubahang benepisyaryo sa kanilang official website, social media account at sa conspicuous areas sa barangay. Sa pamamaraang ito ay kabahagi raw ang komunidad sa pag-validate ng listahan ng benepisyaryo.

Imahe mula sa DSWD-NCR

Ang prayoridad na bibigyan ng ayuda ay ang mga benepisyaryo ng SAP sa ilalim ng Bayanihan 1 at karagdagang benepisyaryo ng emergency subsidy sa ilalim ng Bayanihan 2;  ang mga SAP waitlisted beneficiaries; mga kabilang sa vulnerable sector tulad ng maliit ang kita at namumuhay mag-isa, PWD, solo parents, iba pa.

Bibigyan din ng tulong ang mga indibidwal na matutukoy ng LGU na lubos na naapektuhan ng ECQ, kung mamarapatin ito ng kanilang pondo.

Isanlibong piso kada indibidwal ang ipamamahagi, subalit hindi lalampas sa P4,000 kada pamilya. Kung higit sa apat ang miyembro ng pamilya ay hanggang P4,000 lang ang tatanggapin nilang cash assistance.

Imahe mula sa DSWD-NCR

Ang pondong inilabas ng Department of Budget and Management ay maaari lamang gamitin bilang assistance ngayong panahon ng ECQ at hindi pwedeng ilaaan sa ibang proyekto, programa o aktibidad.

Ang mga LGU ay dapat bumuo ng Grievance and Appeals Committee na siyang tutugon sa mga hinaing o reklamo ng kanilang mga nasasakupan. Maaari ring gumawa ang barangay ng kahalintulad na komite.

Inaasahan ang agarang pagtugon ng komite sa mga reklamo at pagtatakda ng hotline para  lamang dito.

Source :

Facebook

Loading…