Ang pantry na ‘ayaw pilahan’ kinaaliwan

  • Hype na hype ang mga community pantries ngayon
  • Talaga namang pinipilahan at dinarayo ito
  • Subalit may isang uri daw ng pantry na tila ayaw pilahan

Hindi na talaga paawat ang pagsulputan ng iba’t ibang community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa, na nagsimula sa Maginhawa Street sa Quezon City. Nagkaroon na ito ng iba’t ibang mukha at bersyon; batay sa pangangailangan ng mga residente sa isang komunidad. Naging sikat din ang tagline nito na ‘Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan.’

Subalit hindi raw lahat ng community pantry ay pinipilahan at pinagkakaguluhan?

Makikita sa Facebook page na ‘Teachers Be Like’ ang ‘pantry na ayaw pilahan:’ ito raw ay ang pantry ng mga learning modules para sa mga mag-aaral. Pabiro daw itong ipinost ng gurong nagngangalang ‘Sir Rowel.’

Imahe mula sa Facebook page na Teachers Be Like

“Mga mommy, ano? Kapag modules pantry, walang gusto pumila? Bakit naman ganorn?” saad sa caption.

Makikita sa mga kalakip na larawan ang isang lalaking guro na naka-face mask at tila nakaabang sa mga magulang na kukuha o magtuturn-over ng mga learning modules ng kanilang mga anak. Nakalagay pa ang tagline na ‘Magsauli ayon sa kakayahan, kumuha ayon sa pangangailangan.’  Subalit sa malas ay wala yatang nais kumuha o magbigay sa module pantry.

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

“Naku, iyan nga dapat sana ang simutin nila para turuan ng maganda at mabuting asal mga anak nila. Feed the brain, not only the stomach!” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Wahahahaha true kapag kuhanan ng modules nababangaw tayong teachers, kapag relief aba’y palapag pa lang ubos na.”

“Hala kawawa naman ‘yung guro, sir sa lilim na lang po kayo, uso pa naman ang heat stroke,” nag-aalalang pahayag naman ng isa.

Imahe mula sa Facebook page na Teachers Be Like

Hindi naman sigurado kung talaga nga bang walang nagtungong magulang upang kumuha ng module o magsauli. Maaari kasing nakuhanan ang larawan na kabubukas o kaseset-up pa lamang ng module pantry, o kaya naman ay tapos na ang pagdagsa ng mga tao. Posible ring isa lamang itong pakikiuso at pang-aliw na may hatid na mensahe, ‘di ba?

Loading…