Bagong COVID variant ‘di nade-detect ng PCR; border control dapat higpitan – OCTA

Imahe mula sa ASEAN Travel News
  • May bagong COVID variant na hindi nade-detect ng PCR test
  • Una itong nadiskubre sa France noong Marso
  • Dahil dito, dapat umanong higpitan ang border control at mandatory quarantine sa mga ROFs

Kailangang higpitan pa lalo ngayon ang pagbabantay sa mga paliparan dahil sa nadiskubreng bagong variant ng COVID-19 na hindi umano nade-detect ng PCR test.

Ito ang naging rekomendasyon ng OCTA Research Group bukod pa sa mandatory quarantine sa lahat ng Pinoy na magbabalik sa bansa upang maiwasang kumalat muli ang naturang variant.

Imahe mula sa NIAID

Sa panayam ng Teleradyo kay OCTA Research fellow Guido David, ibinahagi ng eksperto na nitong Marso ay nadiskubre sa western Brittany region ng France ang isang variant ng COVID na mahirap ma-detect sa mga test, bagama’t wala pang sapat na katibayan kung ito ay mas nakahahawa o mas delikado.

“May bagong variant na hindi nade-detect ng PCR test. Kung ganun ibig sabihin ayusin natin ang international travel protocols natin,” ani David.

Maliban dito, kailangan ding mas paigtingin rin umano ang ‘contact tracing’ lalo na sa mga returning overseas Filipinos (ROFs).

“Dapat pag may papasok na returning Filipinos o tourists dapat mandatory na ang quarantine period kasi hindi nade-detect ng PCR,” dagdag pa ng research fellow.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Naniniwala rin ang OCTA na maaaring bumaba ang bilang ng may COVID sa bansa sa mga darating na araw dahil sa ipinatutupad na modified enhanced community quarantine (MECQ) na magtatagal hanggang sa katapusan ng Abril.

Subalit ang pagkapuno ng mga ospital, lalo na sa NCR ay magiging problema pa rin ng ilang linggo dahil hindi pa naman ganun ‘ka-significant’ ang pagbaba ng mga kaso.

“Matagal pa yung 1,000 to 2,000 cases per day natin, if it happens baka bandang June or July. Mas mahirap kasi mapababa ang number of cases,” dagdag pa ni David.

Nitong Martes, Abril 13, ay nadagdagan muli ng panibagong 8,571 ang COVID sa bansa; mababa nang kaunti kumpara nitong mga nagdaang mga araw.

Screenshot mula sa DOH

Subalit pumalo na rin sa 884,783 ang kabuuang bilang ng nahawahan ng COVID sa Pilipinas; 165,534 dito ay nananatiling active cases habang umakyat na rin sa 703,963 ang bilang ng gumaling.

Ayon sa OCTA, posibleng mapababa na sa 0.1 ang reproduction number (bilang ng taong nahahawahan ng isang mayroong COVID) ng COVID kapag umabot na sa 1 milyon ang bilang ng populasyong nabakunahan.

At kapag umabot na sa 2 milyon ang naturukan ay maaari nang ma-flatten ang curve talaga lalo na sa NCR.

Loading…