Bangkang sinakyan ng ABS-CBN crew ‘di hinabol, inobserbahan lang ng mga Tsino – AFP official

Screenshot mula sa ABS-CBN News video
  • Hindi naman daw hinabol kung hindi ‘inobserbahan’ lamang ng Chinese coast guard ang bangka ng mga Pinoy
  • Kung talagang hinabol daw sila ay madali silang aabutan ng mga ito, ayon sa isang opisyal ng AFP
  • Sana raw ay hindi na umalis ang mga Pinoy nang lapitan ng mga Tsino

Hindi hinabol, bagkus ay inobserbahan lang ng Chinese coast guard ang bangkang sinakyan ng ABS-CBN crew habang patungo sana ng Ayungin Shoal sa West Philippine Sea; ito ang paniniwala ng isang mataas na opisyal ng AFP.

Ayon kay AFP Western Command commander Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez sa panayam ng ABS-CBN News, kung talaga raw na hinabol ng Chinese vessel ang mga Pinoy ay madali silang aabutan nito.

Vice Admiral Ramil Roberto Enriquez| Imahe mula sa Facebook

“Kung talagang hinabol kayo no’n, madali niya kayong inabutan. Inoobserbahan lang kayo no’n,” ani Enriquez.

Kinastigo rin ni Enriquez ang mga Pinoy dahil umalis ang mga ito nang lapitan ng barko ng China. Mula raw kasi noong 2019, wala pang hinabol na bangkang Pinoy ang mga Tsino sa Ayungin Shoal at posibleng nagduda ang mga ito dahil hindi sila sumagot sa radyo.

“If we follow the dictum of ‘flight is an admission of guilt,’ bigla kayong umalis eh,” wika pa ng opisyal.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Dagdag pa ni Enriquez, normal daw ang ganitong ginagawa ng China sa WPS at katunayan umano ay marami pa ring mangingisdang Pinoy ang nakalulusot sa Ayungin Shoal dahil sanay na sila sa kilos ng mga Tsino doon.

Ganun pa man, inamin ni Enriquez na ito ang unang pagkakataon na unang nakita ang Houbei type 22 missile attack craft na naglalayag malapit sa Palawan.

Magugunitang ibinahagi ni ABS-CBN reporter Chiara Zambrano kung paano sila ‘hinabol’ at itinaboy una ng isang Chinese coast guard malapit sa Ayungin Shoal noong nakaraang linggo.

Screenshot mula sa ABS-CBN News video

Matapos ang Chinese coast guard ay dalawang Houbei Type 22 missile craft ang sumulpot sa magkabilang panig ng kanilang bangka hanggang sa sila ay makarating malapit sa baybayin ng Palawan.

Nangyari ang lahat ng ito kahit na nasa loob na ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang bangkang sinakyan ng mga Pinoy; patunay na hindi ito kinikilala ng China kahit pa natalo na sila sa ginawang pagdinig noon sa international tribunal sa The Hague.

Loading…