Barangay official na humarang sa Grab rider nanindigan sa kanyang ginawa

Imahe mula sa Facebook account ni Marvin Ignacio
  • Nanindigan ang opisyal ng barangay Muzon sa San Jose Del Monte, Bulacan sa ginawang pagharang sa Grab rider na magde-deliver ng lugaw
  • Ang pinanghahawakan umano niya ay ang city ordinance na nagsasabing mula 5 a.m. hanggang 6 p.m lang ang operasyon ng mga negosyong may kinalaman sa pagkain
  • Pinabulaanan din ng barangay official ang kumalat na balita na sinibak na siya sa posisyon

Nanindigan ang kontrobersyal na opisyal ng Barangay Muzon sa San Jose Del Monte, Bulacan  sa desisyon niyang harangin sa checkpoint ang isang Grab food  rider na magde-deliver ng lugaw sa isang kliyente.

Screenshot mula sa GMA video

Sinabi ni Phez Raymundo, ang babaeng opisyal ng barangay, na ang kanyang pinanghahawakan ay ang ordinansang inilabas ng city government hinggil sa pagpapatupad ng curfew hours na 6:00 p.m. hanggang 5 a.m.

Nakasaad umano sa naturang city ordinance na ang mga negosyong may kinalaman sa pagkain ay maaari lang makapag-operate mula alas-singko ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

Pinabulaanan din niya ang mga maling balita na tinanggal na siya sa kanyang posisyon. Aniya, deactivated na ang kanyang social media account kaya ang mga pahayag sa mga social media accounts na iniuugnay sa kanya ay hindi totoo.

Naghanda na umano ang mga opisyal ng Barangay Muzon ng kanilang mga isasagot sa gagawing imbestigasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) hinggil sa insidente.

Kasunod ng kontrobersya ay naglabas ng pahayag si DILG spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya na nagsasagawa ng pagsisiyasat ang ahensya.

Screenshot mula sa GMA video

“Yes, we are  and we continue to reiterate to all LGUs the need to let food deliveries pass through checkpoints,” ani Usec. Malaya.

Iginiit ni Malaya na hindi nagkulang ang DILG sa pagbibigay ng instructions sa PNP at force multipliers gaya ng mga barangay tanod na ang food delivery ay dapat pinapayagan sa mga checkpoints. Aniya, araw-araw daw nilang ginagawa ang ganoong anunsyo.

Samantala, pinatotohanan ni  DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño na hindi pa tinanggal sa posisyon ang kontrobersyal na barangay official dahil wala namang reklamo hinggil sa kanyang ginawa.

Screenshot mula sa video ni Marvin Ignacio

“Hindi mo naman basta-basta tatanggalin ‘yung ganon. Una, ‘di naman nagreklamo ‘yung ano… nag-viral lang,” aniya.

Nauna na ring sinabi ng Grab Philippines Communications Team na walang balak magsampa ng reklamo laban sa barangay official ang Grab rider na nakilalang si Marvin Ignacio.

Source :

YouTube, GMA

Loading…