BGC-Ortigas Link Bridge matatapos na, opening sa June 2021

Imahe mula sa DPWH
  • Matatapos na ngayong taon ang BGC-Ortigas Center Link Road Project
  • Ang mismong tulay na tumawid sa Pasig River at nag-uugnay sa dalawang lugar ay buo na bagama’t may finishing touches pang ginagawa
  • Sa sandaling matapos ang proyekto, ang travel time sa pagitan ng BGC at Ortigas na dati ay umaabot ng isang oras ay magiging 12 minutes na lang

Ipinahayag ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar na halos kumpleto na ang Bonifacio Global City (BGC)-Ortigas Center Link Road Project na mag-uugnay sa Makati City at Ortigas Center sa Pasig City.

Imahe mula sa DPWH

Ayon kay Sec. Mark Villar, ang mismong tulay na tumawid sa Pasig River – ang Lawton-Sta. Monica Bridge – na nag-uugnay sa Lawton Street Avenue sa Makati City at sa Sta. Monica Street sa Pasig City ay tapos na, bagamat mayroon pang mga finishing touches na ginagawa sa ilang bahagi nito. Kabilang dito ang pagkakabit ng street lights, median barrier at parapet o ang railings ng tulay.

Aniya, kung wala nang aberyang mangyayari ay mabubuksan na sa mga motorista  ang tulay sa darating na buwan ng Hunyo.

Huling nagsagawa ng inspeksyon sa proyekto ang kalihim noong April 23. Kasama niya si Undersecretary for Unified Project Management Office (UPMO) Operations Emil K. Sadain at UPMO-Roads Management Cluster 1 Project Managers na sina Benjamin Bautista at Ricarte S. Mañalac.

Imahe mula sa DPWH

“I’m happy to announce that soon, we can open the bridge for our motorists once the up and down ramps near Kalayaan Avenue are fully completed,” pahayag ni Sec. Villar.

Bukod sa Lawton-Sta. Monica Bridge, puspusan na rin ang ginagawang road widening sa Brixton Street sa panulukan ng Reliance Street na patungo sa Farlance Street. May haba itong 476.77 meters.

Imahe mula sa DPWH

Sa sandaling matapos ang BGC-Ortigas Center Link Road Project na nagkakahalaga ng P5.7 billion, ang travel time sa pagitan ng BGC at Ortigas na dati ay umaabot ng isang oras ay magiging 12 minutes na lang.

Makatutulong din ang proyekto upang maibsan ang trapiko sa EDSA at C-5 Road.

Loading…