Binay sinita ang inauguration ng modular hospital: “Sayang lang oras sa ribbon cutting at photo ops”

Screenshot mula sa Twitter video ni Raffy Tima
  • Nanawagan si Sen. Binay sa mga opisyal na iwasan na muna ang mga ribbon cutting at photo ops
  • Ito ay kasunod ng inauguration rites ng bagong modular hospital sa Quezon Institue
  • Mahalaga umano ang bawat oras ngayon para sa mga pasyenteng may COVID-19

Nanawagan si Senador Nancy Binay sa mga opisyal ng gobyerno na kung maaari ay itigil na muna ang pagsasagawa ng ‘inauguration rites’ lalo na para sa mga bagong bukas na ospital dahil importante umano ang oras para sa mga pasyente ngayong pandemya.

Ito ay kasunod ng napabalitang ribbon cutting ceremony para sa bagong modular hospital sa Quezon City Institute (QI) na dinaluhan ng ilang matataas na opisyal kabilang na sina Senador Bong Go, Health Sec. Francisco Duque, Public Works Sec. Mark Villar, at vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr..

Imahe mula sa Facebook ni Sen. Nancy Binay

Sa isang tweet nakiusap si Binay na kung maaari ay buksan na kaaagad ang nasabing pagamutan dahil maraming pasyente ang naghihintay na ma-admit ngayon.

“Pakiusap kung pwede buksan na lang para magamit agad. Sayang lang ang oras sa ribbon cutting at photo ops,” anang senador.

Mahalaga umano ngayon ang bawat oras lalo na para sa pamilya ng mga pasyenteng may COVID.

Screenshot mula sa Twitter

“These things are unnecessary and leave a bad taste for families of COVID patients who are racing against life and time,” dagdag pa ni Binay.

Ang tweet ng mambababatas ay may kalakip din na mga hashtag na #TimeIsOfTheEssence at #BawalDinAngMassGathering; ang huli ay bilang patamang muli sa pagtitipon-tipon ng mga opisyal sa nasabing inauguration na bawal dapat ayon sa IATF guidelines.

Screenshot mula sa Twitter video ni Raffy Tima

Samantala, ang bagong QI modular hospital ay magsisilbing extension at pangangasiwaan ng Jose R. Reyes Memorial Medical Center, ayon kay Duque.

Ito ay mayroong kapasidad na 110 beds at magbubukas na sa publiko nitong Miyerkules, Abril 7. Subalit ang admission ay sa pamamagitan lamang ng One Hospital Command Center at hindi raw ito tatanggap ng mga walk-in patients.

Loading…