Bong Go naglabas ng mga larawan bilang patunay na maayos at nagtatrabaho pa rin ang Pangulo

Imahe mula sa Facebook post ni Sen. Bong Go
  • Naglabas ng mga larawan si Go para mapatunayang maayos ang lagay ng Pangulo
  • Ito ay matapos kumalat ang mga haka-haka tungkol sa kalusugan ni Pang. Duterte
  • Lumutang kasi sa social media ang ispekulasyon na nagkaroon daw ng ‘mild heart attack’ ang Pangulo

Sa gitna ng hindi magagandang ispekulasyon tungkol sa kalagayan ng presidente, naglabas ng mga larawan si Senador Bong Go para patunayan na maayos ang kalusugan ni Pangulong Rodrigo Duterte at patuloy na nagtatrabaho lang ito.

Marami kasi ang nagtatanong kung bakit kinansela ng Malakanyang ang lingguhang pagharap ni Duterte sa publiko gayung wala namang ibinigay na malinaw na dahilan maliban sa umano’y para ingatan ang kaniyang kalusugan.

Screenshot mula sa Facebook post ni Sen. Bong Go

Sa kaniyang Facebook nitong Miyerkules, ibinahagi ni Go ang ilang larawan kasama si Duterte na ayon sa kaniya ay ‘tambak ang trabaho’. Mapapansin din sa litrato ang kopya ng mga diyaryong may headline noong araw ng Miyerkules, Abril 7.

“Sa mga may masasamang Hangarin, Wag muna kayo mag celebrate!! Nandito lang si Tatay Digong. Tambak ang trabaho,” ayon sa caption ng mga larawan.

Imahe mula sa Facebook post ni Sen. Bong Go

“Hindi ito ang panahon ng pagsisisihan kundi panahon ng Pagtutulungan,” dagdag pa ng mambabatas.

Nanawagan rin ang mambabatas sa mamamayan na tulungan ang Pangulo upang malagpasan ang krisis sa bansa.

“Sana tulungan na lang natin ang ating mahal na Pangulo para malagpasan natin ang crisis na ito bilang nagkaka-isang mamamayang Pilipino,” wika pa ni Go.

Imahe mula sa Facebook post ni Sen. Bong Go

Bago pa man naglabas ng larawan si Go ay kumalat sa social media ang haka-haka tungkol sa dahilan kung bakit bigla na namang ‘nawala’ ang Pangulo. Kabilang na rito ang ispekulasyon na nagkaroon umano ito ng ‘mild heart attack’.

Subalit kaagad naman itong pinasinungalingan ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar na tinawag na ‘fake news’ ang mga nagsulputang tsismis sa social media na may kaugnayan sa lagay ng kalusugan ng 76-anyos na presidente.

Loading…