CommuniTEETH pantry, kinaaaliwan sa social media: “Kumuha ng sakto sa gilagid”

Image by Tata Lino & Roman Lucena via Facebook
  • CommuniTEETH pantry na mga pustiso ang nakalagay sa mesa, kinaaaliwan ng mga netizens
  • Nakasaad sa karatula: “Kumuha ng sakto sa gilagid, magbigay pag maluwag na!”
  • Kapuri-puri sa mga Pinoy ang pagiging masayahin, positibo at nagtutulungan sa gitna ng pandemya

Patunay ang mga nagsusulputang community pantries sa pagkakaisa at kabayanihan ng mga Pilipino. Dito, ipinapakita ang pagtutulungan ng bawat isa para lahat ay makakain at maka-survive sa gitna ng pandemyang kinakakaharap ng mundo.

Image by Tata Lino & Roman Lucena via Facebook

Nariyan ang community pantry na naglalagay ng mga gulay, instant noodles, canned goods at iba pa. Mayroon din namang naglalagay ng mga pagkain ng hayop. Pero, pati pustiso? ‘Yan ngayon ang kinatutuwaan ng mga social media users.

Ibinahagi ng Facebook Page na Tata Lino kamakailan ang larawan ng mga pustiso na nasa mesa. May karatula rito na nagsasaad, “Kumuha ng sakto sa gilagid, magbigay ‘pag maluwag na!” na tila kapareho ng “Kumuha batay sa pangangailangan, magbigay batay sa kakayahan” ng mga regular community pantries.

“Wag magtulakan mabibigyan lahat – Roman Lucena,” ayon pa sa Facebook page. Kagya’t namang nag-trending ang post na mayroon nang higit 15,000 reaksyon, abot 4,700 komento at tinatayang 49,000 shares habang ibinabahagi ito.

Komento ng isa, “Marami ako pinagpalitan nasa bahay. Kung sino may gusto e do-donate ko na lang para makatulong ako, mga pinagpalitan ko tulong ko na lang sa mahihirap katulad ko.” Saad naman ng iba, “Teka, ‘wag niyo ubusin, hahanap ako kasukat para dun sa kapitbahay namin.”

Image by Tata Lino & Roman Lucena via Facebook

May nagsabi naman ng, “May pustiso ako pwede ko ipahiram para pogi ka pansamantala hangga’t wala ka pa.” Iba pang komento, “May kakasya yata sa akin d’yan ah hahaha.”

Anupa’t kahit na nakararanas ng mga hamon ang mga Pinoy kagaya ng pandemya ay nariyan pa rin ang pagiging masayahin at gumagawa ng paraan para tumawa.

Nawa’y ipagpatuloy natin ang pagiging masayahin at positibo kaakibat ng pagtutulungan para malampasan ang mga pagsubok.

Image by Tata Lino & Roman Lucena via Facebook
Source :

Facebook

Loading…