Community ‘pan-toy’ kinaaliwan, tulong para sa mental health sa panahon ng pandemya

  • May naisip na paraan ang isang toy collector sa Pasig City para makatulong sa kapwa
  • Nagtayo siya ng toy pantry na malaking tulong daw sa mental health
  • Wala raw kasi siyang budget para sa pagbili ng suplay ng mga pagkain sa pantry kaya iyon ang naisip niyang ambag sa kaniyang pamayanan

Hindi na nga paaawat ang pagsulputan ng community pantry sa iba’t ibang lugar, na inoorganisa ng iba’t ibang mga indibidwal at pangkat ng mga tao. Iba-iba rin ang bersyon nito, batay sa kung ano ang kakayahang ibigay ng tagapag-organisa nito.

Kagaya na lamang ng isang concerned citizen na nagngangalang ‘Arlan Kortez’ mula sa Kapasigan, Pasig kung saan naglunsad din siya ng community pantry na inspirasyon sa Maginhawa Community Pantry ni Ana Patricia Non. Subalit dahil wala siyang budget para sa pagkain, mga laruan ang kaniyang inilagay sa pantry.

Makikita ito sa kaniyang Facebook post.

Imahe mula sa Facebook account ni Arlan Kortez

“I don’t have budget kasi to buy food for bayanihan, I have toys na lying around and ‘yong iba pang benta sana kaso no toy event since pandemic hit us last year so might as well give them. Plus malaki tulong ng toys sa mental health natin,” saad niya sa panayam ng ABS-CBN News.

Aniya, marami raw siyang mga koleksyong laruan kaya ito ang naisipan niyang ilagay sa pantry. Huwag ismolin dahil malaking tulong daw ang mga laruan para sa mental health lalo na ngayong pandemya. Marami raw siyang mga kakilalang kolektor ng laruan gaya niya, na naiibsan ang anxiety at iba pang mga negatibong emosyon at isipin dahil sa mga laruan.

Natuwa naman ang mga netizens sa kakaibang community pan-toy na ito.

“Sa dami ng problema natin, you still chose to give back. Hindi nila kaya yang ginagawa mo. Hindi madaling ipamigay sa iba ang mga collections, lalo na kung may kuwento sa likod nito. Kudos!” wika ng isa.

Turan naman ng isa, “Great help for mental health. Thumbs up kay Sir Arlan!”

“Bahagi ng ating pagkabata ang mga laruan. Lahat tayo, may natatagong kuwento tungkol sa mga iyan. Thank you Arlan for bringing back our childhood memories.”

Imahe mula sa Facebook account ni Arlan Kortez

Kudos sa iyo, Sir Arlan Kortez! Ano man ang iyong ambag, malaking tulong na ito sa iba!

Loading…