Community pantry dapat may ‘guidance’ ng LGUS; ‘di kailangang ipatigil – DOH

Imahe mula sa ABS-CBN News
  • Hindi kailangang ipatigil ang community pantry, ayon sa DOH
  • Makabubuti raw ito sa mental at physical wellness ng publiko lalo na ngayong pandemya
  • Subalit kailangang may guidance din ito ng mga lokal na pamahalaan

Dahil nauuso ngayon ang community pantry na nagsulputan sa iba’t-ibang lugar sa bansa, naglabas na ng pahayag ang Department of Health (DOH) tungkol dito.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hindi ito dapat ipatigil o pigilan ng gobyerno subalit kailangan maglabas ng guidelines ang LGUs upang matiyak na nasusunod pa rin ang health protocol.

Imahe mula sa GMA News

Sa katunayan, makabubuti umano ang mga community pantry sa physical at mental wellness ng mga tao kaya kinikilala nila ang mabuting dulot nito sa kalusugan ng publiko lalo na ngayong pandemya.

“Hindi kailangan namang itigil dahil sa tingin ko malaking tulong din ito both sa physical wellness and mental wellness ng ating mga kababayan. ‘Yung mga nakikita nila na may mga handang tumulong ay malaking bagay ‘yan para sa kumpiyansa at para sa wellness mentally ng ating mga kababayan,” ani Vergeire sa press briefing nitong Lunes.

Imahe mula sa PCOO

Ang dapat daw gawin ng mga lokal na pamahalaan ay i-guide ang mga taong nasa likod ng naturang inisyatibo lalo na ang mga mamamayang dumarayo rito para kumuha ng makakain para na rin sa kanilang kaligtasan.

“I call on our local governments na sana tingnan natin ang mga pantries na ito. Bigyan lang natin ng guidance kung paano natin maisasaayos ang proseso para mas organized and we can prevent further infections dulot ng mga pantries na ito,” panawagan ni Vergeire.

Imahe mula sa ABS-CBN News

Nitong Martes ay sinabi rin Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Martin Diño na kailangang kumuha na ng permit sa barangay o sa tanggapan ng mayor ang mga community pantry dahil dinudumog na ito ng mga tao at halos wala nang kontrol para maipatupad ang protocol.

Kinalaunan ay binawi rin ito ng opisyal at sinabing dapat daw ay makipag-ugnayan na lang ang community pantry sa mga lokal na pamahalaan.

Loading…