Community pantry sa Quezon City nagdulot ng saya at ngiti

  • Isang concerned citizen ang nakaisip na maglagay ng community pantry sa Quezon City
  • Iba’t ibang essential goods ang naririto; kahit sino ay maaaring kumuha o maglagay sa naturang pantry na likha sa kawayan
  • Hindi man ito sagot sa kagutuman, malaking tulong na rin sa mga nangangailangan

Isang karaniwang eksena sa lansangan na kapag namamahagi ng ayuda o tulong sa kapwa, personal na ipinamamahagi ito ng mga boluntaryo para sa tatanggap nito. Subalit sa panahon ng community quarantine kung saan ipinagbabawal ang mass gathering, lalo na sa panahon ngayon na patuloy na tumataas ang mga kaso ng COVID-19, tila malaking hamon ang pamamahagi ng tulong.

Subalit sabi nga, kung talagang gusto ay maraming paraan. Kung talagang nag-uumapaw ang kagustuhang makatulong sa kapwa, hindi titigil mag-isip ng mga malikhaing paraan upang magawa pa rin ito. Kagaya na lamang ng isang concerned citizen na nagngangalang “AP Non” matapos niyang ibahagi sa Facebook post ang naisip niyang paraan upang makatulong sa kaniyang pamayanan: naglagay lamang naman siya ng isang ‘community pantry’ sa kalsada!

Imahe mula sa Facebook account ni AP Non

Makikita ang kaniyang ‘Maginhawa Community Pantry’ sa kahabaan ng Maginhawa Street sa Quezon City. Ang kaniyang pantry, o lalagyanan ng mga pagkain, ay isang bamboo kariton. Nakalagay pa ang karatulang ‘Magbigay ayon sa kakayahan, Kumuha batay sa pangangailangan.’

“Nag-install po ako ng bamboo kariton na may libreng goods sa Gulayan sa Maginhawa (front of Ministop/Romantic Baboy) accessible sa KNL, UP Village, San Vicente, Teacher’s Village, Sikatuna, Bliss etc.,” paliwanag ng concerned citizen na ito.

Kahit sino ay maaaring kumuha ng sumusunod na mga essential goods sa naturang community pantry: bigas, gulay
gatas, vitamins, kape, face mask, de lata, sabon, soup, at pastang pang-spaghetti o pang-sopas.

“Huwag mahiyang kumuha, naroon lang po iyon. May hand sanitizer din para sa mga kukuha at mag-iiwan. Kung kayo ay nasa neighborhood puwede din kayo mag-iwan sa community pantry ng groceries, naroon lang iyon from 6AM-6PM. Kung sakaling malayo ka naman puwede ka magsimula ng community pantry sa inyong lugar. Salamat!” dagdag pa niya.

Imahe mula sa Facebook account ni AP Non

May paalala nga lamang siya.

“Huwag ninyo na lang po kunin ang kariton para po makapag-iwan pa ang iba. Gagamitin pa po namin iyan sa bahay naghahanap lang po ako ng mas maayos na shelf para sa community pantry.”

“Hindi nito masasagot ang root cause ng kagutuman pero okay na rin na pantawid-gutom sa mga nangangailangan. Mahirap magtrabaho, mag-aral at lumaban habang kumakalam ang tiyan.”

Umani naman ito ng positibong reaksyon at komento mula sa mga netizens at naghatid ng saya at ngiti sa mga nakakita. Nakatutuwa raw isipin na may mga tao pa ring mabubuti ang kalooban at handang tumulong sa kapwa sa kanilang naisip na malikhaing paraan.

Sa isang updated Facebook post, agad na nagpasalamat ang concerned citizen sa mga bumati sa kaniyang napakagandang inisyatibong ginawa.

Kudos sa concerned citizen na si AP Non! Maraming salamat sa indirektang pagtuturo at pagbibigay-inspirasyon sa amin na maging mapagbigay at mapagmalasakit sa kapwa. Nawa ay pamarisan ka ng lahat!

Loading…