Curfew violator sa Laguna na ‘pinagtulungan’ ng mga tanod, ‘di na nakarekober

Screenshot mula sa Facebook/ Anakbayan Calamba
  • Isang curfew violator sa Laguna ang hindi na nakarekober matapos umanong ‘pagtulungan’ ng mga tanod
  • Sinubukan daw nitong tumakas matapos magpaalam na iihi lamang
  • Paliwanag ng barangay, nadapa at natapilok ang lalaki habang tumatakas

Isa na namang lalaki na lumabag sa curfew ang binawian ng buhay kamakailan matapos umanong ‘bugbugin’ at ‘maltratuhin’ ng mga barangay tanod sa Calamba, Laguna.

Sa Facebook post ng Anakbayan Calamba, kinilala ang lalaki na si Ernanie Lumban Jimenez, 26-anyos at tubong-Guinayangan, Quezon.

Screenshot mula sa Facebook/ Anakbayan Calamba

Batay sa mga lumabas na ulat, lumabas ng bahay si Jimenez pasado alas-10 nang gabi noong Abril 7 upang bumili ng pagkain subalit nahuli ng mga tanod ng Purok Dos, Brgy. Turbina dahil nga sa paglabag sa curfew.

Sinubukan umanong magpaalam ni Jimenez para umihi subalit nagalit raw ang mga tanod kaya tumakbo dahil sa takot ang lalaki. Nang maabutan, dito na raw pinagbubugbog ng mga tanod si Jimenez kung saan nagtamo ito ng maraming sugat at pasa sa katawan.

Basag rin umano ang bungo ni Jimenez kaya siya dinala sa ospital subalit hindi na nakarekober hanggang sa bawian ng buhay noong Biyernes, Abril 9.

Screenshot mula sa Facebook/ Anakbayan Calamba

Paliwanag naman daw ng kinatawan ng Brgy. Turbina sa mga imbestigador ng PNP, nadapa at natapilok si Jimenez habang tumatakas kaya nabagok ang ulo nito.

“Sa side nung barangay, sinabing nagkahabulan sila dahil umano nagtangkang tumakas ito. Sa pagkahabulan ay nadapa o natapilok ang tao kaya po siya ay natumba at nabagok ang ulo,” ayon kay Lt. Col. Chitadel Gaoiran ng Laguna PNP sa panayam ng ABS-CBN News.

Subalit iginiit naman umano ng mga kaanak ni Jimenez na pinagsisipa ito ng mga tanod kaya natumba na siyang dahilan para tumama ang kaniyang ulo sa lupa.

Screenshot mula sa Facebook/ Anakbayan Calamba

Dahil dito, muling nanawagan ang pamunuan ng PNP sa mga opisyal na nagpapatupad ng curfew na magpairal ng maximum tolerance sa kanilang pagbabantay.

Depende sa ordinansa ng LGUs, karaniwan dapat na ang mga nahuli sa curfew ay pinauuwi na matapos patawan ng parusa o pagsabihan ng warning.

Noong nakaraang linggo, isang lalaki rin ang sinawimpalad matapos mahuli sa curfew sa General Trias, Cavite at parusahan ng halos 300 beses na ‘pumping exercise’ umano.

Loading…