DA chief itinangging sangkot ang ahensiya sa ‘tongpats scheme’ sa imported na baboy

Screenshot mula sa ABS-CBN video
  • Itinanggi ni Sec. Dar na sangkot ang DA o sinumang opisyal ng ahensiya sa ‘tongpats’ scheme
  • Hindi raw siya papayag na mamayagpag ang kurapsyon sa DA lalo na sa ilalim ng administrasyong Duterte
  • Dismayado naman si Lacson dahil lalo umanong lalaki ang kickback ngayon ng mga tiwaling opisyal

Pinabulaanan ni Department of Agriculture (DA) Secretary William Dar na sangkot ang kaniyang ahensiya o sinumang opisyal sa ‘tongpats’ sa imported na baboy na ibinulgar ni Senador Panfilo Lacson kamakailan.

Sa ginawang pagdinig nitong Lunes ng Senate Committee of the Whole tungkol sa epekto ng African swine fever (ASF) sa swine industry sa bansa, iginiit ni Dar na hindi sangkot ang Agriculture department sa alegasyong mayroong kumikita ng bilyong piso mula sa ‘tongpats’ o kickback ng imported pork.

Imahe mula sa DA

“As regards to the alleged ‘tongpats’ of about P5 to P7 per kilo of imported pork, the present DA leadership categorically denies any involvement if such scheme indeed exists,” paliwanag ng kalihim.

Batay sa alegasyon ni Lacson, ginagawang gatasan ng bilyon-bilyong piso ng mga tiwaling opisyal ang ‘tongpats’ at dahilan lang umano ang epekto ng ASF upang ibaba ang taripa sa inaangkat na karneng baboy at taasan ang minimum access volume (MAV) ng naturang produkto.

Subalit ayon kay Dar, hindi siya papayag na mamayagpag ang kurapsyon sa kaniyang ahensiya lalo na sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa PNA

“On my personal and official capacity as Secretary of the Department of Agriculture, [I am] one with all of you, with President Duterte, in strict observance of good governance and no corruption in government, and will never allow any corrupt practice under this stead and leadership,” paliwanag pa ni Dar sa mga senador.

Noong nakaraang buwan ay naglabas ng rekomendasyon ang DA na babaan ang pork import tariffs at taasan ang MRV upang umano’y maiwasan ang posibleng krisis sa pagkain dala ng epekto ng ASF.

Ito ay kaagad namang kinontra ng mga mambabatas subalit inaprubahan pa rin ng Malakanyang.

Imahe mula sa Ping Lacson website

Ayon kay Lacson, hindi mahirap isipin ngayon na dahil sa naging rekomendasyon ng DA ay mas lalo pang lalaki ang kikitain ng mga tiwaling opisyal na ito dahil sa ‘tongpats’. Dati nang sinabi ng senador na ang sindikato sa likod nito ay kumikita ng nasa P6-B kada taon dahil sa naturang ‘scheme’.

Subalit naninindigan si Dar na walang anomalya sa kanilang naging rekomendasyon para buksan ang pork importation dahil ‘manipis’ na raw talaga ang supply ng karneng baboy sa bansa at kailangan itong punan upang ma-meet ang demand ng produkto sa merkado.

Loading…