Dalawang babae nalapnos ang mukha dahil sa pantanggal ng bara sa lababo na nabili online

Imahe mula sa KMJS/Facebook
  • Napahamak ang dalawang babaeng gumamit ng nabiling pantanggal ng bara ng lababo
  • Sumabog umano ito sa kanilang mukha habang binubuhusan ng mainit na tubig
  • Napag-alaman na hindi pala rehistrado sa FDA ang naturang produkto

Kalunus-lunos ang kinahinatnan ng dalawang babae matapos malapnos at halos masunog ang mukhang nasabugan ng pantanggal ng bara ng lababo na kanilang nabili online.

Sa programa ng KMJS, isang customer na nakilalang si Libralyn ang bumili ng isang brand ng pantanggal ng bara na nakita niya online at mukhang epektibo naman daw matapos mabasa ang reviews sa produkto. Bukod dito mura din daw ang presyo dahil naka-sale.

Si Libralyn| Screenshot mula sa video ng KMJS

Sinunod naman daw niya ang instruction na nakalagay sa label kung saan nasasaad na ilagay ang powder sa loob ng drain bago buhusan ng kumukulong tubig.

Subalit laking gulat ni Libralyn nang biglang sumabog ang inilagay na kemikal at tumama sa kaniyang mukha ang kumukulong tubig.

Nalapnos ang mukha at halos mabulag ang isang mata ni Libralyn na ngayon ay kailangang sumailalim sa maselang gamutan upang maibalik ang kaniyang paningin.

Ganito rin halos ang kuwento ng karanasan ng isa pang netizen na si Rome Pinai sa kaniyang Facebook.

Screenshot ng Facebook post ni Rome Pinai

“This past few days has been very challenging for me. Chemical accident from a cleaning product I bought online. Please be careful sa kahit anong bibilhin at gagamitin natin,” ani Rome sa kaniyang Facebook post.

“With very simple instructions na sinunod ko naman eh d ko akalain na sasabog sya. Maganda naman yung reviews nung product. Kaya di ko rin alam kung ano talaga dahilan and I am trying to reach out to the seller,” dagdag pa ng netizen.

Matapos ang nakahihilakbot na karanasan, nagbabala ang dalawang babae na mag-ingat sa nasabing produkto na napag-alaman na ‘White Tornado Sink & Drain Cleaner’ at karaniwang mabibili sa mga online selling platform.

Imahe mula sa Facebook post ni Rome Pinai

Ayon sa FDA, hindi rehistrado sa kanilang ahensiya ang nabanggit na sink solution at wala rin umano itong certificate ng ICC o import commodity clearance.

Dahil dito, nagpaalala ang FDA na maging maingat at mapanuri sa mga produktong binibili online lalo na kapag ito ay hindi rehistrado sa FDA dahil maaaring magdulot ang mga ito ng panganib sa kalusugan at kaligtasan ng tao.

Panoorin ang buong ulat sa KMJS:

Loading…