Dalawang lalaki na nagpanggap na senior citizens para mabakunahan nabuking dahil sa boses

Imahe mula sa SSC
  • Nagpanggap na senior citizens ang dalawang lalaki upang mapabilang sa second phase ng vaccination program sa Mexico
  • Ang second phase ng vaccination program ay para sa mga may edad 60 pataas
  • Ang dalawang suspek ay nabisto ng isang health worker na nag-interview sa kanila matapos nilang mabakunahan
  • Napansin ng health worker na ang boses ng dalawa ay hindi pang-matanda

Dalawang lalaki na ang edad ay nasa 30s ang dinampot ng pulisya matapos nilang magpanggap na senior citizens para mabakunahan kontra sa COVID-19.

Imahe mula sa SSC

Naganap ang insidente sa Mexico na nasa second phase na ng vaccination program nito para sa kanilang mamamayan. Sinimulan ang pagbabakuna sa naturang bansa noong Decembre 2020 kung saan inuna ang mga healthcare workers.

Ang second phase ng vaccination program ay para sa mga may edad 60 pataas na kabilang sa most vulnerable sector na magkaroon ng komplikasyon mula sa coronavirus.

Ang dalawang lalaki na hindi pinangalanan ay napag-alamang edad 35 at 39 lang.

Puti ang kulay ng kilay at buhok nila nang dumating sa vaccination site. Nakasuot din ang mga ito ng face mask at face shield upang maitago ang kanilang totoong anyo.

Ang isa sa dalawa ay nagpanggap na isang disabled at gumamit pa ng wheelchair.

Ayon sa pahayag ng Secretariat of Citizen Security ng Mexico, naganap ang insidente noong March 27, 2021 sa munisipyo ng Coyoacan.

Sinabi ni Cristina Cruz, isang opisyal ng Mexico City, na nabisto ang pagpapanggap ng dalawa dahil sa kanilang boses.

Imahe mula sa SSC

Matapos bakunahan ay kinausap sila ng isang health worker na agad napansin na ang boses ng dalawa ay hindi pang-matanda.

“A colleague realized the voice was not that of an old man, and that was when she called the authorities,” sabi ni Cruz.

Nahaharap ang dalawa sa kasong identity theft dahil sa pagprisinta ng mga pekeng dokumento ng kanilang pagkakakilanlan.

Imahe mula sa SSC

Loading…